Ni: Aris Ilagan
BUGBOG-SARADO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa social media.
Kaliwa’t kanang suntok, tadyak at hambalos ang inabot nito sa inanunsiyong huhulihin na ang mga colorum na Uber at Grab unit simula sa Hulyo 26.
Umulan ng batikos mula sa mga pasaherong dalang-dala nang sumakay sa mga pampasaherong bus, jeepney at taxi na kung tutuusin ay may mga prangkisang puntirya ng LTFRB.
Patunay lamang ito na tinatamasa ng mamamayan ang ginhawang dulot ng mga transport network vehicle service (TNVS), bagamat mas mahal ang singil kaysa mga regular taxi.
Mas nanaisin ng mga pasahero na magbayad ng mas malaki kaysa sumakay sa regular taxi, na tuwing sila ay sasakay ay hindi mapalagay sa posibleng kabulastugan ng driver.
Todo hingi ng paumanhin sa publiko ang LTFRB.
Ang pangunahing layunin ng ahensiya, ayon sa pamunuan nito, ay masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero.
Naisip kaya ito ng LTFRB dahil sa pang-aabuso ng ilang pasaway na taxi driver?
Aabot sa 50,000 ang bumibiyaheng unit ng Uber at ng Grab sa Metro Manila. At ayon sa LTFRB, nasa 10 porsiyento lamang ang may kaukulang prangkisa.
Sa oras na matuloy ang crackdown ng LTFRB laban sa mga colorum na Uber at Grab, tiyak na kakapusin na naman ang mga pampublikong sasakyan matapos ang Hulyo 26.
Sabayan pa ng mga kilos-protesta ng mga jeepney organization, siguradong daan libo na naman ang maiipit sa lansangan sa kahihintay ng masasakyan.
Bakit umbot sa ganito ang problema ng Uber at ng Grab?
Ilang taon nang namamayagpag ang mga app-based transport service at tinangkilik na rin ng mamamayan.
Malaking bilang ng Grab at Uber operators ay mga dating empleyado na nag-resign sa kani-... kanilang trabaho upang sumabak sa TNVS nang malaman na aabot sa P30,000 ang lingguhang kita rito.
Weather-weather lang, ika nga.
Dahil sa paghihigpit ng gobyerno, nawala ang performance-based incentive para sa masisipag na Uber at Grab driver.
Pinalitan ito ng ‘surge’ system kung saan dumodoble o tumitriple ang singil ng Uber at ng Grab drivers tuwing matindi ang trapik.
Dito na nahihilo ang publiko. Ano ba talaga ang basehan n’yo sa singil sa pamasahe?
Hindi ba kayo dapat kontrolin hinggil dito?
Ngayon, sino’ng masusunod sa isyung ito? Ang LTFRB o ang TNVS operators?