Ni: Celo Lagmay

PALIBHASA’Y may matinding pagpapahalaga sa mga ambulansiya bilang tagapagligtas ng buhay, ako ay ginulantang ng ulat na ang naturang sasakyan ay ginamit na panghakot ng ilegal na troso o hot logs sa isang bayan sa Visayas. Kung totoo ang nasabing balita, ang sinumang nagpasimuno sa gayong kahangalan ay maituturing na “patient killer” lalo na kung isasaalang-alang na ang nabanggit na sasakyan ay pag-aari ng gobyerno na nakalaan lamang sa mga may karamdaman.

Hindi ito ang unang ulat hinggil sa tiwaling paggamit ng ambulansiya. Kung hindi ako nagkakamali, isa ring ulat ang nagsasaad na ang gayong sasakyan ay pinagkargahan naman ng bulto-bultong illegal drugs sa isang bayan sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), maraming taon na ang nakalilipas. Isipin na lamang na ang isang ambulansiya ay pinanghakot ng ipinagbabawal na droga na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso. Maliwanag na ang nasabing sasakyan ay ginamit upang maikubli ang malagim na plano ng sinasabing drug lord sa pagbebenta ng bawal na droga na tiyak na makapipinsala sa buhay ng sambayanan, lalo na ng mga kabataan.

Isa pang kahawig na ulat ang tungkol naman sa paggamit ng ambulansiya ng ilang tiwaling tauhan ng pamahalaan sa kanilang pagtungo sa sabungan, sa pamamasyal sa mga beach resorts at iba pang tourist spots. Ibig sabihin, walang pakundangan at mapangahas ang paggamit ng nasabing mga sasakyan na dapat ay nananatili sa mga garahe maliban lamang kung may ihahatid o susunduing pasyente.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mga ambulansiya ay ipinamamahagi ng gobyerno, sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa mga ospital at munisipyo na mahigpit na nangangailangan ng mga ito. Kaakibat ang tagubilin na ang naturang mga sasakyan ay pangalagaan – tulad ng pangangalaga sa mga fire truck – upang matiyak ang kahandaan nito sa anumang oras.

Ito ang dahilan kung bakit katakut-takot ang tagubilin ng PCSO na ang nasabing mga sasakyan ay gamitin lamang sa pagsagip ng buhay ng mga pasyente.

Ito rin ang dahilan ng aking paminsan-minsang pagbisita sa isang ambulansiya sa aming barangay upang matiyak na ang ambulansiya na ipinagkaloob ng PCSO ay nasa mainam pang kondisyon. Ang naturang sasakyan, hindi naman marahil kalabisang banggitin, ay bunga ng ating pagsisikap upang matupad ang pangarap ng aking mga ka-barangay na magkaroon ng sariling ambulansiya. Isang magandang balita na makaraan ang halos dalawang dekada, maayos pa rin ang naturang sasakyan mula nang ito ay ipagkaloob ng gobyerno.

Ito naman ang dapat mangyari sapagkat ang mga ambulansiya ay marapat pangalagaan at panatilihin ito na sariling gamit ng mga pasyente.