NANANATILING malaking problema sa Metro Manila ang pagsisikip ng trapiko. May ilang pagbabagong naisakatuparan ngunit marami pa rin ang kailangang gawin at nagpulong ang Metro Manila Development Committee upang resolbahin ang problema ngayong may bagong chairman na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), si retired General Danilo Lim.
Sa pulong, nagbabala si dating Manila mayor, si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, laban sa panukalang palawakin ang number-coding scheme upang mapagbawalan ang mga pribadong sasakyan sa paggamit ng mga pangunahing kalsada sa Metro Manila dalawang beses sa isang linggo — sa halip na isang beses kada linggo gaya ng umiiral sa ngayon. “Don’t punish the ordinary car owner,” aniya, at sa halip ay umapelang tugunan ang mga pangunahing sanhi ng problema, kabilang ang hindi pagpapatupad sa ilang batas trapiko at ang hindi mapigilang pamamasada ng mga kolorum na bus.
Sa umiiral na number-coding scheme, ipinagbabawal ang mga pribadong sasakyan sa mga kalsada sa Metro Manila isang beses kada linggo. Sa araw na iyon, hindi maaaring gamitin ng motorista ang kanyang sasakyan upang ihatid ang kanyang mga anak sa eskuwelahan, o sa pagpasok sa trabaho, dahil bawal bumiyahe ang kanyang sasakyan sa maghapon.
Nasolusyunan ng mayayaman ang problemang ito sa pagbili ng isa pang sasakyan na may ibang plaka, kaya naman lalo pang nagsisiksikan ang mga lansangan.
May iba pang mga solusyon na maaaring masubukan—ang pagbabawal sa mga sasakyang may even numbers sa even-numbered hours, halimbawa, at maaaring may 10 minutong allowance bago o pagkatapos nito. Sa kaibahang ito sa number-coding system, mangangalahati ang mga sasakyan sa kalsada sa Metro Manila sa buong maghapon; kailangan lamang ng mga may-ari ng sasakyan na mag-adjust sa kanilang schedule, maaaring pumasok sila nang mas maaga sa opisina.
May iba pang paraan na hindi naman tuluyang magbabawal sa maghapon sa mga pribadong sasakyan sa mga lansangan. Ang isa pa ay ang pagbiyahe sa umaga ng mga sasakyang may even numbers sa plaka, at odd numbers naman sa hapon. Maaaring subukan ang sistemang ito sa ilang pangunahing kalsada, gaya sa EDSA, Quezon Avenue at Quezon Boulevard, España, Taft, at Roxas Boulevard.
Sa nakalipas na mga taon, maraming mungkahi ang inilatag upang mapabuti ang trapiko sa Metro Manila, kabilang ang pag-aalis sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan, at sa iba pang nakasasagabal, sa mga bangketa at kalye; pagpapabilis sa pagkumpleto sa mga skyway gaya ng nag-uugnay sa North at South Expressways; at pagpapaigting sa kakayahan ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) na makapagsakay ng mas marami pang pasahero.
Nakatutulong ang kahit maliliit na hakbangin. Kahit wala pa ang emergency powers na hinihingi ng Department of Transportation mula sa nag-aalinlangang Kongreso, ang kabuuan ng maliliit na hakbanging ito ay dapat na makatulong upang mapabuti ang sitwasyon ng trapiko sa Metro hanggang sa matukoy at maipatupad ang mga pangmatagalang solusyon—marahil ang palaparin ang mga kalsada alinsunod sa programang “Build, Build, Build” ng administrasyon.