Nina CHITO A. CHAVEZ, ROMMEL P. TABBAD at HANNAH L. TORREGOZA
Sa kabila ng dagsang protesta at batikos mula sa mga pasahero, driver, at operator, nanindigan ang gobyerno na hindi ito patitinag sa pressure ng publiko upang luwagan ang mga panuntunan para lamang paboran ang Transportation Network Vehicle Services (TNVS).
Sinabi kahapon ni Transportation Undersecretary Thomas “Tim” Orbos na tama lamang ang pagpapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mandato nito sa kabila ng tumitinding protesta mula sa iba’t ibang sektor kaugnay ng planong hulihin ang mga kolorum na TNVS.
Nakatakdang hulihin ng LTFRB ang mga kolorum na Uber at Grab units simula sa Miyerkules, Hulyo 26.
PUBLIKO NAGPETISYON
Nakisimpatiya ang publiko, kabilang na ang mga suki ng Grab at Uber, sa panawagan ng mga driver at operator ng TNVS sa LTFRB upang bawiin ang suspensiyon sa pagtanggap ng mga bagong aplikasyon.
Bukod sa online petition sa change.org, nais din ng publiko na marinig ang kanilang mga karaingan sa pamamagitan ng #WeWantUberGrab.
Trending sa Twitter sa buong maghapon nitong Lunes, ibinahagi rin ng mga pasahero sa social media ang hindi magagandang karanasan nila sa mga regular taxi, bukod pa sa mas kumportable at naniniwala silang mas ligtas sila sa serbisyo ng magagalang at matatapat na Uber at Grab drivers.
Giit naman ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada, ang mga TNVS din ang dapat sisihin sa sarili nilang problema, kaya dapat nilang resolbahin ito nang naaayon sa batas.
Ayon sa LTFRB, nasa two thirds ng 32,000 nakabimbing aplikasyon ng TNVS ang ibinasura dahil sa hindi pagtalima sa requirements, at 3,000 lamang ang inaprubahan ng ahensiya.
PASAWAY
Pagbubunyag pa ng LTFRB, ilang pangalan ng driver na isinumite ng Uber ang hindi nagtugma sa case numbers at sa mga aktuwal na driver na nakarehistro sa ahensiya.
Una nang sinabi ng ahensiya na 72% ng 56,000 TNVS ang maituturing na kolorum, matapos matukoy sa records ng LTFRB na nasa 15,440 sasakyan ng Grab at Uber lamang ang may permit na mag-operate.
AAPELA SA LTFRB
Samantala, maghahain naman ng motion for reconsideration ang Uber at Grab sa LTFRB upang masuspinde ang moratorium nito laban sa mga kolorum na TNVS.
“During our meeting, the parties were able to agree that one, they will continue with the TWGs (technical working group) next week, in order to find a win-win solution for both government and the TNCs,” sinabi ni Sen. Grace Poe pagkatapos ng closed-door meeting meeting kahapon ng Senate committee on public services.
“Although the LTFRB will push through with executing their memorandum circular, they will allow the TNCs to file their motion for reconsideration and pending the resolution of the latter, will allow existing ‘colorum’ TNVS to continue providing service,” ani Poe.
Kasabay nito, naghain din si Poe ng Senate Bill No. 1501 o ang Transportation Network Services Act, na magtatakda ng regulasyon sa mga TNVS.
‘HIGHLY IRREGULAR’
Kahapon din, inilarawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang “highly irregular” ang direktiba ng LTFRB na isama ng mga TNVS ang income tax return (ITR) ng mga ito sa pag-a-apply ng prangkisa, dahil hindi naman umano nag-iisyu ang BIR ng ITR sa mga bagong negosyo, gaya ng TNVS.
Paliwanag ng LTFRB, mahalaga ang ITR sa franchise application upang matukoy ang kakayahang pinansiyal ng mga TNVS operator.
‘TRANSPORT CRISIS’
Sa panig naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, dapat nang ituring ng Malacañang na isang “transport crisis” ang isyu sa Uber at Grab.
“In a mass transport-starved metropolis of 13 million, these ride-hailing companies provide a crucial service. In terms of carrying capacity, these two exceed MRT’s daily ridership of 500,000,” ani Recto.
Para kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles na ang paghihigpit sa Uber at Grab ay lalo lang magpapalubha sa pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.
May ulat nina Jun Ramirez, Leonel Abasola, at Bert de Guzman