Ni: Reggee Bonoan

MALAKING tulong itong La Luna Sangre (LLS) sa entertainment writers, dahil hindi na nawalan ng maisusulat. Last Friday, nag-viral ang ‘private joke’ ng scriptwriters sa pagpapakita ng litrato ng ABS-CBN top gun na si Charo Santos-Concio (CSC) na isa raw sa mga bampira na may mataas nang puwesto sa gobyerno.

Inalam namin sa produksiyon kung may eksenang gagawin sa LLS si Ma’am Charo.

AYS DE GUZMAN copy

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Wala, ‘yun lang ‘yun (pinakita ang litrato),” sagot sa amin.

So, ‘joke’ nga!

Sa new media conference para kay Ays de Guzman, creative manager ng Star Creatives (business unit na gumagawa ng La Luna Sangre na pinamamahalaan ni Malou S. Santos), tinanong siya kung mahaba ang papel ni Ma’am Charo sa La Luna Sangre.

“Actually, if you subscribe to CSC’s Instagram account, I think umaandar na ‘yung kuwento niya du’n, eh, di ba?

Naglabas na siya ng kuwento kung papano siya kinagat, pa’no siya naging bampira.

“When we read the script, I didn’t think they would pull that off. Akala ko, usually kasi kapag kaming mga writers nagsusulat ng ganyan sa script, ah, ganyan lang ‘yan, pero ‘pag sa production, iba na ‘yung nangyayari. So nu’ng nabasa namin siya sa script, sabi ko, ah, okay, ‘sinama nila.

“Nagulat ako nu’ng nandoon siya sa TV, so I think positive naman ‘yung nangyari du’n sa Friday episode na ‘yun. Everyone was really looking forward na makita si Ma’am Charo within La Luna Sangre.

“Right now po, ‘yung level ng involvement ni Ma’am Charo, story-wise, nandoon siya, if you just follow her IG account, I’m sure magtutuluy-tuloy ‘yung kuwento niya du’n.”

Nitong Martes ng gabi naman, habang nasa celebrity screening kami ng Kita Kita, nabasa namin sa social media na nahulog sa manhole sina Malia (Kathryn Bernardo) at Tristan (Daniel Padilla). Pinaglaruan ito ng isang blogger named Mangyan na nag-tweet sa MMDA ng, “@MMDA, nahulog sina Malia at Tristan sa manhole. Paki-check naman po.

#LaLunaSangreBalatKayo.”

Sumakay at sumagot naman ang taga-MMDA ng, “Ha-ha. P’wedeng bukas na lang para magkasama sila magdamag du’n. ? #mmda”

Magandang palatandaan ito sa Ad-Prom people ng Star Creatives, dahil gumagawa ng kani-kaniyang sariling kuwento ang televiewers kaya kusang naipo-promote ang kanilang show.

Going back to new media conference, naglunsad ng web series ang Star Creatives think-tank head na pinangalanan nilang Youtopia, isang streaming platform na mapapanood sa iWanTV simula ngayong araw, Hulyo 20.

“Naisip kasi naming parang ang ganda, paano naapektuhan ‘yung small communities sa plano ni Sandrino to take over and build a vampire army,” sabi Ays de Guzman. “What we did is iWanTV produced this micro-series, five to eight minutes that would take us to paano naapektuhan ‘yung small-communities nu’ng ginagawa ni Sandrino sa teleserye.

“The story of Youtopia is there’s this seven friends, ‘tapos three of those, nawala sila for six months. Then when they came back, medyo iba na ‘yung ‘kinikilos nila.

“’Tapos the other friends, sila Axel (Torres), Kate (Alejandrino), Mary Joy (Apostol), Gabby (Padilla), Jal (Galang) at Larissa (Alivio), tina-try nilang imbestigahan bakit nagkaganito ‘yung mga kaibigan natin. ‘Tapos they found out that they’re vampires and they’re trying to turn the entire village into Sandrino’s vampire army.”

Bakit kinailangan pang gumawa ng web series?

“We wanted kasi for it to be immersive. Gusto sana namin, fans would really think na, ‘Sino tong mga taong ito, totoong tao silang nandito?’ So, yes, it was a conscious effort to do that for this project para ‘yung immersive experience ng fans, mas enjoyable para sa kanila,” paliwanag ng creative manager ng Star Creatives.

Mapapanood ba ang Youtopia members sa La Luna Sangre?

“Right now po, may journey sila muna na kailangang tapusin within the story ‘tapos after po noon, we will try and push it to happen,” sagot ni Ays.

Si Axel, ang gumaganap na lider sa Youtopia, gustong makasama sa serye nina Malia at Tristan.

“Well, siyempre, gusto naming makapasok sa mismong teleserye kasi part na rin ito, connected din naman sila. Okay lang ‘yung web series pero gusto rin naming makasali du’n sa mismong show,” pag-amin ng ex-Pinoy Big Brother housemate.

At kung sakali ngang makapasok si Axel sa serye, “Gusto ko maging lobo. Gusto ko laging ano, eh, ‘yung naka-topless lang ‘pag nag-transform. Comfy lang ‘yung suot.”

Karamihan sa mga miyembro ng Youtopia ay gustong maging lobo at iilan lang ang gustong maging bampira dahil hindi raw tumatanda ang itsura kasi nga umiinom sila ng fresh blood, bagay na hindi naman nagustuhan ng mga kakampi nina Tristan at Malia dahil ayaw daw nilang uminom ng dugo.