Ni: Erik Espina

ANG “Bus Rapid Transit” system ay panukalang nais ipatupad sa EDSA at, sa kasawiang-palad, sa Cebu City.

Pakulo ito ng ilang utak na gayahin ang Curitiba System ng Brazil kung saan ang isang lane ng kalsada ay solong ipagagamit sa mga public utility bus bilang solusyon sa kinukutyang nakatenggang trapiko sa ating lansangan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Makailang beses ko nang isinulat ang tungkol sa tumitinding problema sa trapiko sa Metro Manila; kawalan ng solusyon sa “paradahan” sa EDSA. Dati ko nang isinulat ang nakaambang problema (batay sa estadistika) ng tumataas na bilang ng bumibiyaheng populasyon, malls, condominium, sasakyan, at ngayon ay motorsiklo atbp. Plakadong-plakado ng Cebu ang Metro Manila. Sumasabay sa agos ng maling patakaran at kawalan ng “political will” magplano at magpatupad ng matinong “zoning,” “land use policy,” “sustainable urban development,” building code at alternatibong mga pook na bato-balani para sa kaunlaran at iba pa, palabas sa punong lungsod ng lalawigan.

Sa kasalukuyan, ito ang mukha ng trapiko sa Metro-Cebu: Taong 2014, umabot sa 650,000 sasakyan ang Cebu Province na 65% (422,500) nasa Metro-Cebu (MC). Sa 2016, ang bagong rehistro ay 152,476. Labor force sa MC –1.42M sa 2015 o 62% ng kabuuang populasyon. Sa lima hanggang 10 taon, bababa kaya ang mga nasabing bilang? O tataas pa? Hindi mapalagay sa kanilang upuan ang mga pulitiko at negosyante na ituloy ang BRT sa ilang kalsada ng Cebu City. Mabuti na lang at tinututulan ito nina dating Cebu Mayor Alvin Garcia at Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Diño.

Makipot na nga ang mga... daanan sa Cebu City, aba, lalo pang sasakalin ang daloy ng trapiko kung ipipilit ang BRT.

Sa New Delhi India, pumalpak ito! Sumikip ang trapiko, tumaas ang kaso ng mga aksidente at nasisirang bus, kaya bumagal ang biyahe. Paano pa ang mga school bus na gagamit sa BRT na kailangan maghatid at sundo ng estudyante?

Huwag din kaligtaan, sa kultura ng Pinoy driver, kapag may pasaherong nakaabang sa kahit saang banda ng bangketa, hihimpil talaga ang pampublikong sasakyan, kahit wala sa itinakdang sakayan. Minamadali ang BRT dahil may pondo at perang ibubulsa?

Maaari ang BRT sa mga pinaplano pa lang na mga kalsada dahil puwede sagarin ang lapad ng kalsada para sa tinatangi at hiwalay na daluyan ng mga bus.