Ni Jerome Lagunzad

NAIWANG nagiisa sa dugout si Mac Cardona matapos ang laro ng koponang Zark’s Burgers nitong Martes sa Ynares Sports Arena. Tila ba ninanamnam ng dating La Salle star ang kapaligiran ng arena.

Hindi maikakaila na nalayo nang mahigit isang taon si Cardona sa hardcourt kung kaya’t sinusulit niya ang bawat sandali nang kanyang pagbabalik.

“I’m happy na ma-feel ko ulit ‘yung first love ko which is basketball,” pahayag ni Cardona matapos ang pinakahihintay na pagbabalik niya sa basketball.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi man nagtagumpay ang Jawbreakers, 74-119, kontra sa Marinerong Pinoy sa 2017 PBA D-League Foundation Cup, malaking bagay sa kanyang katauhan ang muling pagtapak sa court.

“Nawala kasi ‘yung love of the game ko before. Nawalan ako ng gana. Nawala ‘yung passion ko. One year na rin akong hindi nakalaro,” aniya.

Ngunit, sa edad na 35-anyos, nakagugulat ang numerong naitala ni Cardona -- 11 puntos, tatlong rebound at dalawang assist.

“Feeling ko young nga ako ulit. Kalaban ko kasi mga bata,” pabiro niyang pahayag. “Napi-feel ko ‘yung respect nila sa akin as a kuya siguro. Hindi nila ako masyadong pinipisikal. Hinahayaan lang nila ako makuha ‘yung flow ng game ko.”

Sa ngayon, inamin ni Cardona na nananabik siyang makalaro muli upang makabawi at maibangon ang career na nalamatan matapos malagay sa alanganin ang kanyang buhay dahil sa drug overdose na naging resulta sa hindi nakayanang suliranin sa buhay.

Sa kanyang pagbabalik, kasama na ring nalibing sa limot ang masamang nakaraan at handa siyang harapin ang hamon ng mga batang karibal.

May ibubuga pa si Cardona na minsang nalinya sa itinuturing na certified PBA star matapos mapilin g All-Star member sa limang pagkakatao, Best Player of the Conference awardee ang Finals MVP sa koponan ng Talk ‘N Text.

“Akala siguro nila nagbibiro lang ako at hindi ko talaga papatulan ‘yung D-League. Sabi ko mas gusto ko nga sa D-League muna para makuha ko ‘yung timing ko,” sambit ni Cardona, ginagabayan ng beteranong agent/manager na si Danny Espiritu.

“Sabi nila maliit ang sweldo. Sabi ko nga kahit libre okay lang. Ito ‘yung gagawin kong stepping stone para makabalik ako sa PBA. Basta makuha ko lang ‘yung rhythm ko.”

Subalit, bago maibalik ang nawalang career, kailangan muna ni Cardona na buuin ang nalamatang katauhan para sa hinahangad na matiwasay na pamumuhay.

“Gusto ko na ayusin ‘yung sarili ko. Gusto ko na bumalik sa basketball para maiayos ko ‘yung buhay ko ulit,” aniya.

“I made a lot of mistakes sa buhay ko. Pero hindi pa naman too late (para magbago). God gave me a second life, not just a second chance. Binigyan niya ako ng pangalawang buhay para ayusin ko ang buhay ko at makabawi dun sa mga pagkakamali na nagawa ko sa buhay ko.”