Ni FER TABOY

Patay ang pitong katao at siyam na iba pa ang nasugatan matapos na mabanggan ng isang military Simba truck ang isang van sa national highway sa Barangay Poblacion, Manticao, Misamis Oriental, nitong Lunes ng gabi.

Sa report ng Manticao Municipal Police Station (MMPS), kinilala ang mga nasawing sina Hadji Amin Bangcola, driver ng Toyota Hi-Ace van; Hadji Latiff Macaumbos; Rey Dacoa Mancao; Siete Guimba; Jocelyn Oclarit Baldoz; at isang hindi nakilalang babae na nasa edad 30-35.

Ginagamot sa Manticao Provincial Hospital ang sampung pasahero ng van na nakilalang sina Renzo Von Pagayon; Raima Tangote; Norhaya Ampaan; Hadji Aspiya Lanto; Abdul Ratiph Lanto, 10; Reham Dom Lanto; Dimpinto Norjama; Nobalsa Domapo; Raima Tangoti; at Samsodin Domapo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa huling update sa insidente habang isinusulat ang balitang ito, isa pa sa mga nasugatan ang binawian na rin ng buhay habang ginagamit sa isang ospital sa Manticao.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Iligan City at patungong Cagayan de Oro City at minamaneho ni Sgt. Danny Tenezo ang military truck na bahagi ng convoy ng apat pang military truck nang mangyari ang aksidente.

Nag-overtake umano ang truck na nasa unahan ng convoy subalit hindi napansin ni Tenezo, na nasa ikalawang puwesto, na may paparating na van kaya nasalpok niya ito, at nahagip din ang isang motorsiklo.