Ni: Mike U. Crismundo

TANDAG CITY – Tatlong armadong lalaki na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang dumukot sa bise alkalde ng Cortes, Surigao del Sur, sa harap mismo ng pamilya nito sa Sitio Lubcon, Barangay Mabahin, Cortes, kahapon ng umaga.

Gayunman, sa isang panayam sa telepono ay sinabi ni Lt. Col. Randolph I. Rojas, commander ng 36th Infantry Battallion (36th IB) ng Philippine Army na pinalaya rin kaagad si Cortes Vice Mayor Emmanuel “Boy” Suarez isang oras makaraan itong dukutin.

Ayon sa report, dakong 7:00 ng umaga at naghahanda ng almusal ang pamilya ng bise alkalde nang biglang pumasok sa bahay ang tatlong suspek.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Dinala siya (Suarez) more than 500 meters away from his house then was returned to his house by the abductors unharmed,” sabi ni Col. Rojas.

Inaalam na ng Cortes Municipal Police ang motibo sa insidente at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kinuha umano ng mga suspek, na hinihinalang mga miyembro ng guerilla-Front Committee 30 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, mula sa bise alkalde ang dalawang .45 caliber pistol, isang improvised engram pistol, isang shotgun, at mga bala.

Samantala, pinalaya ng NPA nitong Linggo ang tatlong tauhan ng Civilian Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary (CAA) makaraan ang isang linggong pagkakabihag sa Bitaugan sa San Miguel, Surigao del Sur.