Ni: Leonel M. Abasola
Iginiit ni Senator JV Ejercito na dapat ay magkaroon muna ng pulong sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) ng Grab at Uber, bago simulan ang paghuli sa mga kolorum sa mga nasabing sasakyan sa Hulyo 26.
Ayon kay Ejercito, wala siyang kinakampihan sa magkabilang panig. Ang nais lamang niya ay magkaroon ng maayos na serbisyo sa mga pasahero.
“I will call for a meeting to mediate and come up with a compromise for both parties before July 26,” saad sa pahayag ni Ejercito. “I am not siding with anyone on this issue. What’s important to consider here is the convenience and safety of the riding public. We would consider all remedies without disregarding the law.”
Aniya, hindi nakikita ng LTFRB kung bakit dumami ang TNVS, at bakit higit itong tinangkilik ng publiko kaysa mga regular taxi.
Noong nakaraang linggo ay pinatawan ng P5 milyon multa ng LTFRB ang Uber at Grab dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga regulasyon, kabilang na ang pag-o-operate nang walang certificate of public convenience (CPC), at provisional authority (PA).
“Ngayong may maayos naman na serbisyo na in-offer sa publiko, pipigilan naman ng LTFRB. Kung ganito kayo kaingay at kadesididong patawan ng service ban ang Grab at Uber, dapat ganito rin ang aksiyon ninyo sa mga reklamo sa regular taxi,” sabi pa ni Ejercito.