SINGAPORE – Tinuruan ng leksiyon sa basketball ng Philippine girls team ang karibal na Indonesia tungo sa impresibong 78-48 panalo nitong Martes para makausad sa championship match ng 9th ASEAN Schools Games sa Tampines Sports Hub.
Nagawang madomina ng Pinay cagers ang laro mula simula gamit ang malapader na depensa at swabeng teamwork na nagresulta sa scoring run para mapalobo ang bentahe sa mahigit 30 puntos.
Hataw si sharp-shooting guard Kent Jane Pastrana sa naiskor na 20 puntos, tampok ang tatlong three-pointer para pangunahan ang Team Philippines sa ikatlong sunod na panalo sa five-team, nine-nation annual meet.
Makakaharap nila sa gold medal match ang host Singapore.
Sa pangangasiwa ni coach Angelina Fedillarga, walang naging balakid sa ratsada ng Pinay cagers tungo sa naunang panalo laban sa Malaysia, Indonesia at Thailand.
Nag-ambag sina Kristine Cayabyab at Karl Ann Pingol ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.