Ni JIMI ESCALA
KINUMPIRMA ng dating kaklase namin sa high school sa probinsiya na isa na ngayong police officer sa Mabolo, Cebu na inireklamo ng rape ang grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” na si Noven Belleza.
Ayon pa sa kausap namin sa pamamagitan ng telepono, inireklamo si Noven at hinuli nila pero naka-hospital arrest ang singer dahil nagreklamo ng pananakit ng dibdib.
“Hanggang doon lang ang p’wede kong ibigay na detalye at hindi ko rin puwedeng ibigay sa inyo ang pangalan ng biktima,” sabi ng aming dating kaklase.
Hindi rin niya mabanggit ang pangalan ng pribadong hospital na pinagdalhan kay Noven. Pero nakausap na raw nila ang nagreklamong biktima pati na ang mga magulang nito.
Tuloy ang pagsasampa ng mga ito ng kaso sa korte laban kay Noven. May ilang detalye pang binanggit sa amin ang police officer pero huwag na lang daw muna naming isulat.
Gayunpaman, nagpaalala ang source na may karapatan din naman si Noven na ipagtanggol ang sarili laban sa mabigat na bintang laban sa kanya.
Napag-alaman namin na inaresto si Noven nitong nakaraang Linggo ng madaling araw sa IEC Pavilion sa Barangay Mabolo pagkatapos mag-perform bilang isa sa mga guest ng concert nang gabing ‘yun.