KUMALAS ang dambuhalang iceberg, sinasabing kasing laki ng estado ng Amerika na Delaware, mula sa Larsen C Shelf ng Antarctica sa South Pole sa unang bahagi ng buwang ito. Ang iceberg ay may lawak na 5,800 square kilometres — mas malaki sa isla ng Cebu — at may bigat na mahigit isang trilyong tonelada.
Bagamat natural lamang ang prosesong ito ng pagkakahati ng iceberg, pambihira ang laki ng kumalas kamakailan at inaalam na ng mga siyentista kung may dahil ito sa climate change. Natukoy ang pagtindi ng radiation mula sa araw na direktang tumatama sa mga polar ice region simula noong 2000 at sinasabing dahil ito sa kumakapal na carbon emissions ng mauunlad na bansa sa mundo. Kaya naman sa Paris Climate Change Conference noong Disyembre 2015, sumang-ayon ang mga bansa sa pagpapatupad ng mga hakbangin upang bawasan ang kani-kanilang industrial emissions sa layuning malimitahan ang patuloy na tumataas na pandaigdigang temperatura sa wala pang 2 degrees Celsius above pre-industrial levels.
Kabilang sa mga pangambang inilahad sa Paris conference ang pagkatunaw ng glaciers na magpapataas sa karagatan sa mundo, at magdudulot ng matinding panganib sa mga islang bansa gaya ng Pilipinas. Nitong Biyernes, inilabas ng Asian Development Bank (ADB) ang ulat na nagbababala sa climate change bilang matinding banta sa maraming pagsulong sa nakalipas na mga dekada, habang nakapagtatala ang mga bansa ng pagkalugi sa ekonomiya.
Ayon sa ulat ng ADB, sa patuloy na paggamit sa fossil fuels — gas, petrolyo, uling — ay mahaharap ang rehiyong may pinakamalaking populasyon — ang Asya — sa mas matagalang heat wave, pagtaas ng karagatan, at pagbabago ng galaw ng hangin na magdudulot ng masamang epekto sa ecosystems. Nagbabala ang ulat na 25 siyudad sa mundo ang delikadong maglaho kapag tumaas ng isang metro ang mga dagat, 19 sa mga ito ay nasa Asya at pito ang nasa Pilipinas — ang Maynila, Caloocan, Malabon, at Taguig sa Metro Manila, Iloilo sa Visayas, at Davao at Butuan sa Mindanao.
Binigyang-diin sa ulat ng ADB ang mga pagkalugi sa ekonomiya na magiging resulta ng pagbabaha sa mabababang lugar, bukod sa malalakas na bagyo at matinding ulan. Magdurusa ang agrikultura, at inaasahang mananamlay ng 50 porsiyento ang inaaning palay sa ilang bansa sa Timog-Silangang Asya pagsapit ng 2010. Nagbabala rin ang ulat laban sa mas mababang supply ng kuryente at tuluy-tuloy na alitan ng mga bansang magtatalo-talo sa limitadong supply.
Bumulaga sa atin ang dalawang ulat na ito nang may ilang linggo lamang ang pagitan — ang pagkalas ng dambuhalang glacier sa Antarctica at ang babala sa pagtaas ng karagatan at ang posibleng masamang epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya — at parehong malaki ang interes ng Pilipinas sa dalawang ulat na nabanggit.
Bilang isa sa mga lumagda sa Paris Climate Change Agreement, hangad nating isakatuparan ang ating bahagi upang maibsan ang pandaidigang climate change. Ngunit kasabay ito, dapat nating ihanda ang ating sarili sa posibilidad ng hindi magandang epekto nito, partikular na sa pitong siyudad sa ating bansa na kabilang sa 25 lungsod sa mundo na malalagay sa panganib sa pagtaas ng karagatan, sa kabila ng ating mga pagsisikap upang pigilan ito.