Nina BETH CAMIA, GENALYN KABILING at LEONEL ABASOLA at ulat ni Leslie Ann G. Aquino
Kinumpirma kahapon ng Malacañang na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang umiiral na 60-araw na martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.
Batay sa pitong-pahinang liham ni Pangulong Duterte sa Kongreso, na binasa ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa press briefing, nakasaad na matapos ang masusi at personal na pag-aaral ng Pangulo sa sitwasyon sa Marawi City at sa iba pang bahagi ng Mindanao, at pagkonsidera sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of National Defense (SND) na tumatayong martial law administrator, ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, at ng Philippine National Police (PNP) Chief, nabuo ang konklusyong hindi pa tuluyang masusugpo ang rebelyon sa Mindanao hanggang Hulyo 22, ang huling araw ng batas militar na idineklara noong Mayo 23.
“I have come to the conclusion that the existing rebellion in Mindanao, which has prompted me to issue Proclamation No. 216 on 23 May 2017 will not be quelled completely by 22 July 2017. The last day of the 60-day period provided under Section 18 Article VII of the 1987 Constitution,” saad sa liham ni Duterte.
“For this reason and because public safety requires it, I call upon the Congress to extend until 31st of December 2017 or for such a period of time as the Congress may determine, the proclamation of the martial law and the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus in the whole of Mindanao,” aniya.
Dahil dito, magsasagawa ng special joint session ang Kongreso sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, bandang 9:00 ng umaga sa Sabado, Hulyo 22.
Nang tanungin kung personal bang dadalo si Duterte sa joint session, sinabi ni Abella na may posibilidad ito.
SUSUPORTAHAN NG MAYORYA
Kinumpirma naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na magkakaroon ng joint session ang dalawang kapulungan para talakayin ang pagpapalawig sa batas militar, at tiwala siyang kakatigan ng mayorya ng mga mambabatas ang kahilingan ng Presidente.
“’Pag narinig mo ‘yung mga nangyayari roon at mga intel na nakakarating sa kanya, medyo mas mabuti talagang bigyan ng extension, sapagkat may intelligence sila. Hindi magandang hindi natin pagbigyan. Medyo the word is ‘scary’,” ani Sotto.
Sinabi ni Sotto na maaaring pagbigyan ng 60 araw ang pagpapalawig sa martial law, dahil sa panahong ito ay matutuldukan na ang krisis sa Marawi City, kung saan nananatili ang ilan pang miyembro ng Maute Group.
‘HINDI KAYA NI DU30 ANG MAUTE’
Samantala, tutol naman ang ilang obispo sa pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao, kabilang na si Marawi Bishop Edwin Dela Peña, na nagsabing magiging “big inconvenience” lamang ito.
“Ako tutol ako sa pagpapalawig. Malaking perhuwisyo ang ML sa pang-araw-araw na pagbiyahe, kalakalan,” sinabi ni Dela Peña sa isang panayam.
“If Marawi was justification for 60-day ML in Mindanao, look, the government could not finish the war in 60 days. That sends a bad signal—‘di kaya ni Du30 ang Maute,” dagdag pa ni Dela Peña.
Sinabi naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na sapul ay tutol siya sa martial law, kaya naman lalo siyang kontra sa extension nito.