Ni: Mars W. Mosqueda, Jr.
CEBU CITY – Nakatanggap ng bomb threat ang walong pampublikong paaralan at ang opisina ng Department of Education (DepEd) Cebu City Division kahapon ng umaga, kaya sinuspinde ng awtoridad ang lahat ng klase sa elementarya at high school sa lungsod.

Inirekomenda ni Dr. Bianito Dagatan, Division Superintendent, ang agarang suspensiyon sa lahat ng klase sa Cebu City, dahil kung ang mga estudyante ng apektadong mga paaralan ay kalmadong lumalabas ng eskuwelahan, ang mga magulang ay tarantang nagtatakbuhan papunta sa mga paaralan, na nagdulot ng panic at pagbagal ng trapiko.
Ayon kay Dagatan, nakatanggap ng bomb threat ang kanyang opisina bandang 8:39 ng umaga kahapon sa pamamagitan ng kanyang sekretaryang si Rhea Sarmiento. Aniya, may tumawag kay Sarmiento na ang tono ay mistulang taga-Mindanao, at sinabing may nakatanim na bomba sa pasilidad.
Makaraan ang ilang minuto, nakatanggap umano siya ng mga mensahe mula sa mga school administrator tungkol sa mga bomb threat na natanggap ng mga ito.
Kabilang sa mga pampublikong paaralan na nakatanggap ng bomb threat ang Zapatera Elementary School, Mabolo Elementary School, Lahug Elementary School, Labangon Elementary School, Gothong Elementary School, at City Central School.
Ayon naman kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, deputy mayor for police matters, may lead na ang awtoridad tungkol sa pagkakakilanlan ng tumawag. Binigyang-diin din nito na nasuri na ang mga nasabing paaralan at walang katotohanan ang bomb threats.