Ni NORA CALDERON
CONGRATULATIONS kay Kim Domingo, tagumpay ang pagsasadula ng buhay niya sa Magpakailanman last Saturday.
Marami ang humanga kung paano niya inalagaan ang sarili niya simula pa noong bata pa siya hanggang sa makapasok na siya sa showbiz sa pamamagitan ng sarili niyang pagsisikap.
Hindi pala naging madali ang buhay niya kahit pa naroon ang kanyang ina. Pero wala siyang uurungan para sa sarili at sa mga mahal sa buhay.
“Opo, matatag na po ako noon pa, salamat sa mama at lola ko,” sabi ni Kim. “Nang i-request po ng GMA kung p’wedeng isadula ang buhay ko sa Magpakailanman, hindi po ako tumanggi at natuwa ako nang sabihin nilang ako na rin ang gaganap sa character ko. Tamang-tama naman na tapos na ang taping ko ng D’Originals kaya walang conflict dahil every Monday lang naman ang taping ko ng Bubble Gang.”
Ipinakita kung paano nagsikap si Kim para makatapos ng pag-aaral kahit iniwanan na siya ng kanyang ina. Wala talaga siyang inurungan, kahit anong trabaho, upang kumita para sa kanila ng lola niya na siyang tangi niyang kasama sa buhay.
Nag-iisang anak si Kim ng kanyang ina at French ang father niya na wish pa rin niyang makita at makilala nang personal.
“Iyon lang po ang wish ko talaga, iyong makita at makilala ko naman ang daddy ko, gusto kong makarinig ng balita tungkol sa kanya. Dahil ipinagbubuntis pa nga raw lang ako nang iwanan niya ang mama ko. Since then po wala na siyang nalaman tungkol sa papa ko.”
Ang tunay na pangalan ni Kim ay Kimberly Domingo Delaville.
Sa ngayon, nakahanda nang mag-taping ni Kim ng bago niyang primetime drama series na Super Ma’am kasama si Marian Rivera na personal choice siyang gumanap bilang kapatid nito with Direk LA Madridejos.