Ni NITZ MIRALLES
MASAYANG interbyuhin si Derrick Monasterio dahil parang lagi siyang may baong pam-punchline para sa reporters. Sa pinakahuli naming interview sa aktor sa taping ng Mulawin vs Ravena, ang tungkol sa abs ang pinagtripan.
Binanggit namin sa kanya na panalo sa viewers (lalo na sa mga beki) ang topless scene niya sa fantaserye dahil nasilayan ang kanyang abs. Pero binasag niya ang inakalang 6-pack ang kanyang abs.
“Sorry sa mga nag-abang sa pa-abs ko dahil 5-pack pa lang ang abs ko, hindi na-develop ang isa pang abs. ‘Yung panglima kong abs nasa baba ng fourth abs at wala ang katapat noon. Sabi ng coach ko, hindi ko pa peak, kaya kulang pa ang abs ko, lalabas daw ‘yun ‘pag 23 years old na ako. Eh, 21 years old pa lang ako, nag-start akong magbuhat ng 17 years old na ako,” kuwento ni Derrick.
Aminado si Derrick na mas dumami ang followers niya mula nang lumabas siya sa Mulawin vs Ravena na topless at nababasa niyang karamihan sa new followers niya sa Instagram ay beki at okay lang sa kanya ito.
“May mga indecent proposal from gays na idinadaan sa IG, ang iba’y mga kilala, influential people sila. Dinidedma ko, pagtatrabahuan ko na lang ang material things na ibibigay daw nila sa akin,” ayon pa kay Derrick.
Anyway, pinaghandaan nang husto ni Derrick ang fight scene nila ni Dennis Trillo sa Mulawin vs Ravena at isa ito sa highlight ng karakter niyang si Almiro. Excited si Derrick na hindi sila agad mag-aaway at ipagtatanggol pa nga siya nito sa mga Ravena.