Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
ANG napakataas na trust rating ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pinakahuling survey ay nangangahulugan lamang na sa kabila ng nagkalat na bangkay sa kalsada dulot ng all-out war sa ilegal na droga, nananatiling malaki ang tiwala sa kanya ng pangkaraniwang mamamayan, kahit karamihan sa mga napatay ay mula sa mga nagdarahop na pamilya.
Dahil dito, nararapat lamang na walang mintis ang mga desisyon ni Mano Digong lalo kung ito ay para sa ikatatagumpay ng giyera ng administrasyon laban sa mga drug pusher at user sa buong bansa, na ipinangakong uubusin sa kanyang pamamahala.
Upang masiguro na walang sablay ang mga pasya, kailangang kumayod nang husto ng mga nasa Counter Intelligence (CI) ng administrasyon. Talasan ang kanilang mga mata at pang-amoy upang walang makalusot sa kanilang hanay na nagkaroon na o may malalim pa ring koneksiyon sa mga nagnenegosyo ng ipinagbabawal na gamot.
Gaya na lamang ng tila kapalpakan na magkakasunod na nangyari kaya kabi-kabila ang puna sa matatawag na mga “blunder” ni Mano Digong-- isa na rito ang pagbabalik-trabaho ng grupo ni Supt. Marvin Marcos na ayon sa ilang legal luminaries ay magbibigay ng masamang precedent sa susunod na mga maaarestong pulis. Ang ikalawa naman ay ang paglalagay kay dating PDEA chief Dionisio Santiago bilang pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB) at tila napupusuan pa ring iluklok bilang director general ng Bureau of Corrections (BuCor).
Hindi ko sinasabing palpak at ‘di dapat pagtiwalaan ang butihing dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bagkus dapat na magtrabaho ang mga tila tutulug-tulog na mga CI ng militar at pulis at iba pang sangay ng pamahalaan, upang salain ang mga impormasyong nag-uugnay kay General Santiago sa ilang transaksiyon sa ilegal na droga noong siya ay nanunungkulan pa.
Kung ito ay nasala na kaya nagpasiya si Mano Digong na siya ang iupo na siya sa napaka-sensitibong posisyong ito ay tapos na ang kuwento. Ngunit, palagay ko ay dapat pa rin itong busisiin ng mga CI at kahit tapos na ang kuwento, at ipaalam pa rin kay Mano Digong upang makita kung ano ang tunay na pagkatao ng mga inilalagay niya sa puwesto… hindi pa naman huli para malaman niya ito.
Isang halimbawa ay ang impormasyong nakuha ko mula sa mga sources kong matitinik na operatibang palaban sa mga sindikato ng droga: Sa NBI ay may nakabimbing... imbestigasyon tungkol sa kaso ng posibleng naging kasabwat ni General Santiago sa isang malaking sindikato ng droga noong siya ang hepe ng PDEA.
Narito ang kabuuang impormasyong nakalap ko: “NBI vs. Dionisio Santiago NPS docket no. XVI-INV-12K-00491. Case background: Santiago hired a private incinerator firm for confiscated drugs. The contractor was later selling the drugs. Operatives of PDEA SES stumbled on the illegal activities but were stopped by Santiago as DG, PDEA. Voice recording of incriminating evidence was provided. Case was dismissed by D5 thru a resolution by PG ARELLANO. Case is now under automatic review with DoJ. It is feared that it may become another Marcelino case. Santiago & Marcelino are partners in crime believed to have raised campaign funds out of drugs.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]