Ni: Mina Navarro
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang Taiwanese na wanted ng mga awtoridad sa Taipei dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang 49-anyos na suspek na si Lee Chun Hsien, na dinakip ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) sa kanyang tinitirahan sa kanto ng Congressional Road at Gen. Mariano Alvarez Streets sa Cavite City.
Sinabi ni Morente na inaresto si Lee sa kahilingan ng Taipei Cultural Economic Office (TECO) sa Maynila, na nagbigay-alam na nasa Pilipinas si Lee.
“Based on our investigation, he (Lee) had been hiding in the Philippines for almost eight years and that he is already an overstaying alien,” ani Morente.
Dagdag pa ni Morente, isang beses lamang nag-apply ng extension ng tourist visa si Lee simula nang dumating sa bansa noong Disyembre 10, 2009.