Ni: Reuters
ISANG beteranong stuntman ang namatay nitong nakaraang linggo nang mahulog mula sa taas na 20 talampakan at bumagsak sa kongkretong sahig sa production set ng AMC horror series na The Walking Dead, pahayag ng isang coroner sa Georgia nitong Sabado.
Si John Bernecker, 33, ay namatay noong Miyerkules ng gabi sa set sa Senoia, may 40 milya ang layo mula sa timog ng Atlanta, ani Cowetta County Coroner Richard Hawk, at idineklarang aksidente ang nangyari.
Nagtamo si Bernecker ng blunt force trauma sa ulo at inilipad mula sa set patungong Atlanta Medical Center, pero idineklarang patay na, ani Hawk.
Pagkatapos ng aksidente, sinuspinde ang produksiyon sa ikawalong season ng The Walking Dead. Ang sikat na palabas, halaw sa comic book series na may kaparehong titulo, ay nagsasalaysay sa kuwento ng mundo na sinakop ng mga zombie.
Hindi pa nagbibigay ng komento ang AMC.
Ito ang ikalawang high-profile death sa set ng production sa Georgia nitong mga nakalipas na taon.
Si Sarah Elizabeth Jones, 27, ng Atlanta, ay namatay noong Pebrero 2014 matapos masagasaan ng tren habang sine-set up ng movie crew para sa Gregg Allman biopic ang equipment para kunan ang mga riles ng tren malapit sa Savannah.
Lumabas si Bernecker bilang stuntman sa ilang palabas sa telebisyon at pelikula, kabilang na ang The Hunger Games:
Mocking Jay part 1 at 2, at Logan, ayon sa Variety at sa kanyang page sa IMDb, ang website na nabibigay ng profile sa mga manggagawa sa telebisyon at pelikula.