NI: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Fil-Oil Flying V Center)

8 n.u. -- etran vs. EAC (jrs)

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

10 n.u. -- San Beda vs. CSB-LSGH (jrs)

12 n.t. -- Letran vs EAC (srs)

2 n.h. -- San Beda vs. St. Benilde (srs)

4 n.h. -- Arellano vs. JRU (srs)

6 n.g. -- Arellano vs. JRU (jrs)

MAKABAWI sa natamong pagkatalo ang tatangkain ng defending champion San Beda College, Arellano University at Letran habang ikalawang dikit na panalo ang target ng Emilio Aguinaldo College at Jose Rizal University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 93 basketball tournament ngayon sa Fil-Oil Flying V Center sa San Juan.

Unang magtatapat ganap na 12:00 ng tanghali pagkatapos ng unang dalawang juniors matches ang Letran Knights at Emilio Aguinaldo College Generals na susundan ng salpukan ng San Beda Red Lions at ng CSB Blazers ganap na 2:00 ng hapon bago ang sagupaan ng Arellano Chiefs at ng JRU Heavy Bombers ganap na 4:00 ng hapon.

Tatangkain ng Red Lions na makabangon mula sa natamong 91-96 na kabiguan sa kamay ng kasalukuyang solo leader Lyceum of the Philippines nitong Biyernes sa pagtutuos nila ng Blazers na nabigo naman sa kamay ng Generals, 64-74, kasunod ng nauna nilang panalo sa bisa ng forfeiture sa una nilang laban kontra Perpetual.

Naniniwala si San Beda coach Boyet Fernandez na natutunan ng kanyang mga players ang isang leksiyon sa naging pagkatalo nila sa Pirates.

Mauuna rito, maghahangad namang makabawi ang Knights sa kabiguang nalasap sa kamay ng Mapua noong nakaraang Martes sa pagtutuos nila ng Generals na target namang sumalo sa Lyceum sa maagang pamumuno.

"We are expecting it to be tough kasi galing sila sa talo, but just like in our first match we will prepare hard for them (Knights), " pahayag ni EAC coach Ariel Sison.

Sa isa pang laban, sisikapin naman ng Heavy Bombers na madugtungan ang naitalang 68-54 na paggapi sa Perpetual matapos mabigo sa una nilang laban sa kamay ng Lyceum.

"I just hope we continue to play like this, yung may puso. Yung totoong JRU,”pahayag ni coach Vergel Meneses.