SINGAPORE – Huling talon para sa huling tsansa na maimarka ang pangalan sa ASEAN School Games.
Hindi sinayang ni John Marvin Rafols ang nakamit na pagkakataon – posibleng huling hirit sa ikasiyam na season ng biennial meet – na mabigyan ng karangalan ang bansa nang tampukan ang boys triple jump event sa distansiyang 15.02 meters.
Matapos ang bronze medal na nasungkit sa long jump event (14.91 meters) nitong Lunes, ibinuhos ng Grade 12 student mula sa University of Cebu ang nalalabing lakas para makamit ang gintong medalya.
Taliwas naman ang kapalaran ni Karl Arvyn Aquino, nagwagi ng ginto sa long jumop, nang maitalon ang layong 14.88 meters para sa bronze medal.
“I am really happy to bring honor for the country. Big blessing for me as an athlete,”pahayag ng 18-anyos na si Rafols.
“Mahirap dito (International). Kelangan ng confidence. Hindi kasi kilala ang kalaban. Pero nagdasal lang ako before yung turn ko,” sambit ni Rafols.
Inamin ni Rafols na plano niyang magbasketball para makakuha ng scholarship at maipagpatuloy ang pag-aaral, ngunit kinumbinsi siya ng kanyang coach na sumabak na lamang sa athletics.
“Malakas daw kasi akong tumalon,” sambit ni Rafols. “Kahit first love ko ang basketball, dito ako nagshi-shine eh.”
Inaasahan ni Rafols na mapapabilang siya sa developmental ng National athletics upang maipagpatuloy ang pangarap na pedestal.
“Ang sa akin lang po is ginagawa ko na po yung maliliit na step to make it into a reality,” aniya.