LUMOLOBO ang populasyon ng Pilipinas ng may dalawang milyon kada taon, at sa pagtatapos ng 2017, aabot na ang bilang ng mga Pilipino sa 105.75 milyon, ayon sa Philippine Population Commission. May sariling taya naman ang United Nations na 103.83 milyon pagsapit ng Hulyo 2017.
Animnapu’t dalawang taon na ang nakalipas, noong 1955, ang populasyon ng bansa ay nasa 22.17 milyon lamang, ngunit lumolobo ito ng 3.6 na porsiyento kada taon. Pagsapit ng 1965, umabot na sa 30.91 milyon ang populasyon ng bansa; 41.29 milyon noong 1975; 54.32 milyon noong 1985; 69.83 milyon noong 1995; 86.14 na milyon pagsapit ng 2005; at 100.69 na milyon noong 2015s.
Taong 2012, sa panahon ng administrasyong Aquino, nang pinagtibay ng Kongreso ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act (RA 10354) ngunit matindi ang tinanggap nitong pagtuligsa sa ilang probisyon nito tungkol sa contraceptives na ipinagpalagay ng ilan na pumipigil sa mismong buhay, kaya naman kinuwestiyon ito sa isang petisyong inihain sa Korte Suprema. Nagpalabas ang korte ng temporary restraining order noong 2015, at kamakailan ay binawi ang ilang bahagi nito. Samantala, Enero ngayong taon naman nang nagpalabas si Pangulong Duterte ng Executive Order No. 12 na nananawagan sa lubos na implementasyon ng batas at naglaan ng pondo para sa modernong programa sa pagpapamilya na ipagkakaloob sa mahihirap sa 2018.
Binigyang-diin ng gobyerno na ang RA 10354 ay isang pangunahing reproductive health bill, na layuning tulungan ang mahihirap na ina na makatanggap ng sapat na pangangalagang pangkalusugan, ngunit higit na pinahahalagahan ng ilang opisyal ang pagkontrol sa paglobo ng populasyon ng Pilipinas, na tiyak na makaaapekto sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa. Kaya naman nang lumampas na ang bansa sa 100 milyon noong 2015, labis itong nagdulot ng pagkabahala.
Ngunit sa malaking bahagi ng mundo sa ngayon, taliwas naman ang problema; ang tuluy-tuloy na pananamlay ng populasyon sa ibang bansa. Tinaya ng mga statistician ang population replacement rate sa 2.1 panganganak sa bawat babae, ngunit maraming bansa ang hindi man lang umabot sa tayang ito. Sa Europa, bumaba sa 1.47 pagsisilang kada babae ang rate sa Germany noong 2014; tumaas ito sa 1.5 noong 2015, dahil na rin sa pagdagsa sa bansa ng refugees mula sa Gitnang Silangan, subalit inaasahang bababa pa ito sa susunod na 40 taon. Ang France ang may pinakamalaking birth rate sa Europe noong 2014 — nasa 2.01 — kumpara sa average na 1.58 ng Europa, ngunit dumausdos din noong 2016. Sa England at Wales, ang birth rate ay nasa 1.83 noong 2014, ngunit bumaba ito sa 1.82 noong 2015.
Malapit sa atin, ang karatig-bansa natin sa hilaga, ang Taiwan, ang may pinakamababang fertility rate sa 0.9 kada babae noong 2011 at umabot pa sa puntong nag-alok ang gobyerno ng lahat ng uri ng insentibo sa kabataang ginang. Sa China naman, nagpatupad ito ng one-child policy simula noong dekada ’70, ngunit binawi na ito noong 2015 dahil sa paglobo ng populasyon ng matatanda. Noong nakaraang taon, tumaas sa 1.31 milyon ang mga isinilang sa China, ngunit malayo pa rin ito sa pinupuntiryang tatlong milyong sanggol bawat taon sa susunod na limang taon.
Kung susuriin ang mga nangyayaring ito sa ibang bansa, dapat pa marahil nating ikatuwa ang ulat ng Philippine Population Commission na dalawang milyong Pinoy ang madadagdag sa populasyon natin ngayong taon. Ang plano ng gobyerno para sa pagpapasigla pa ng ekonomiya sa susunod na limang taon ng administrasyong Duterte ay dapat na magkaloob ng trabaho sa mga madadagdag na ito sa ating populasyon, partikular na sa mga lalawigan kung saan pinakamalaki ang magiging ambag ng agrikultura sa pagpapaunlad sa bansa sa ngayon.
Totoong maaaring magdulot ng problemang pang-ekonomiya sa pamahalaan ang patuloy na paglobo ng ating populasyon, ngunit isang biyaya rin ito para sa ating bansa habang nagpupursige itong magkaroon ng mahalagang papel sa mundo bilang isang bansa.