Ni: Malu Cadelina Manar

KIDAPAWAN CITY – Idineklara ng mga Kidapawan City Council na “persona non grata” ang mga traffic enforcer ng Land Transportation Office (LTO)-Region 12 at pinagbawalan ang mga ito sa pagmamando sa mga kalsada sa siyudad.

Ayon kay Francis Palmones, dating hukom at ngayon ay halal na konsehal, ibinatay nila ang kanilang resolusyon sa mga reklamong idinulog ng maraming driver at operator ng tricycle at pampasaherong van simula nang ang mga tauhan ng LTO-12 ang mangasiwa sa trapiko sa Kidapawan highway, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Sinabi ni Palmones na karamihan sa mga driver na inisyuhan ng temporary operators’ permit (TOPs) para sa mga paglabag sa batas trapiko ay nagpasaklolo kay Vice Mayor Bernardo Pinol, na namumuno sa Sangguniang Panglungsod.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Palmones, inireklamo ng mga driver ang labis na singil sa penalty, na ang pinakamababa ay nasa P10,000.

Bukod pa umano ito sa sinasabing “standard operating procedures”, na ipinagpapalagay nilang “protection money”.

Giit ng konsehal, sa halip na ang mga tauhan ng LTO-12, dapat na ang mga enforcer ng LTO-Kidapawan, katuwang ang Traffic Management Unit ng siyudad, ang mangasiwa sa trapiko sa lungsod.

Katwiran naman ni Naga Mimbala, senior traffic regulatory officer (STRO) sa Kidapawan City, ang nasabing operasyon ng LTO 12 ay bahagi ng information dissemination sa Anti-Distracted Driving Act (ADDA).