Ni: Mary Ann Santiago
Napilitang magsuspinde ng klase ang ilang paaralan at unibersidad sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, partikular sa Bulacan, kaugnay ng transport caravan kahapon ng ilang transport group sa bansa.
Pansamantalang hindi pumasada ang libu-libong jeepney driver at operator na miyembro ng mga grupong PISTON, No To Jeepney Phaseout Coalition, at Save Our Jeepneys Network, at sa halip ay nagtipun-tipon dakong 7:00 ng umaga sa Quezon City Memorial Circle, bago tuluyang nagmartsa patungo sa Welcome Rotonda at saka tumuloy sa Mendiola sa Maynila.
Maraming lokal na pamahalaan naman ang nagbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.
Nais nilang hilingin kay Pangulong Duterte na itigil ang planong “phase-out” sa mga lumang pampasaherong jeep, na tiyak anilang makaaapekto sa kanilang kabuhayan at magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng daan-daang libong jeepney driver.
Ayon kay PISTON President George San Mateo, convenor ng coalition, hindi lamang sila ang magkakaproblema kapag natuloy ang modernization program ng pamahalaan kundi maging ang mga pasahero, dahil tiyak aniyang tataas ang pasahe, dahil napakamahal ng e-jeepney.