IGINIIT ni Perpetual Help CEO at president Antonio Tamayo nitong Lunes na nagkamali ang NCAA Mancom nang payagan na maituloy ang laro ng Perpetual Help at St. Benilde sa kabila nang maling jersey na naisuot ng Altas na isang malinaw na paglabag sa panuntunan ng liga.

“They were wrong to allow our team to play and penalized us twice by slapping us a technical foul and gave the other team a free throw before the game started and then forfeit it later,” pahayag ni Tamayo.

Aniya, hinayaan sana ng Mancom ang kagyat na desisyon ni league commissioner Arturo “Bai” Cristobal sa naturang isyu.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“The league should empower Commissioner Bai Cristobal and let him decide anything related to basketball matters,” aniya. “I believe they should not forfeit the game under the process undertaken by the commissioner.”

Nagsampa na ng protesta ang Perpetual Help nitong Miyerkules hingil sa naging desisyon ng Mancom na bawiin ang panalo ng Altas, 69-65, laban sa Blazers.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan at sinusuri ng Management Committee, pinamumunuan ni Fr. Glyn Ortega, OAR, ng host San Sebastian ang mga ebidensiya at dokumentadong kaganapan para mabigyan ng linaw ang isyu.

Naganap ang pagbabawi sa panalo matapos patawan ng technical free throw ang Altas bunsod nang maling jersey na naisuot ng koponan. Binawi rin ng Mancom ang panalo ng Perpetual Help sa juniors game kontra La Salle-Greenhills, 64-60.

Ayon kay Tamayo, kagyat na inamin ng koponan ang pagkakamali at inaasahang idedeklarang default ang laro. Ngunit, matapos ang technical free throw, itinuloy ang nakatakdang laban na kalaunan ay binawi ang panalo ng Mancom.