Ni: Reuters

PUMANAW na si George A. Romero, ang tinaguriang creator ng zombie film genre sa pamamagitan ng kanyang obrang Night of the Living Dead at mga sequel na nagtala ng kasaysayan sa horror movies, dahil sa lung cancer sa isang ospital sa Toronto nitong nakaraang Linggo, pahayag ng kanyang business partner. Siya ay 77 anyos.

Isinulat at idinerihe ni Romero ang 1968 classic, na bumabalik ang mga namatay para kainin ang mga nabubuhay, at lima pang sequel nito kabilang ang 1978 box office hit na Dawn of the Dead.

“A true legend,” sabi ng aktor na si Kumail Nanjiani sa Twitter. “Started a new genre on his own. Who else can claim that?”

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

Bukod sa hilakbot ng flesh-eating zombies, tampok din sa Dead films ang tema ng mga tao na natataranta sa pag-atake, at ipinagkakanulo ang isa’t isa sa halip na magkaisa at magtulungan laban sa kaaway.

Nahumaling si Romero, isinilang sa Bronx borough ng New York, sa pagsasalaysay ng istorya ng mga monster na pamilyar sa mga taong kanilang tinatakot, ayon sa kanyang business partner na si Peter Grunwald.

“They’re not crazy, fantastical monsters. They’re our neighbors, our relatives, our friends. They’re kind of scarier for that, scarier than big, special effects, sci-fi monsters,” ani Grunwald.

Naging impluwensiya si Romero sa henerasyon ng filmmakers na kinabibilangan nina Quentin Tarantino, Guillermo del Toro, Robert Rodriguez at ang namayapang si Wes Craven, ayon kay Grunwald.

May-ari si Romero ng isang maliit na commercial production company nang kumbinsihin niya ang siyam na iba pa para mag-ambag ng kaunting halaga upang pondohan ang Night of the Living Dead, ayon kay Grunwald.

Orihinal na pinamagatang Night of the Flesh Eaters, pinalitan ng distributor ng pelikula na si Walter Reade ang titulo. Lumalabas na walang copyright protection na naihain nang palitan ang pangalan, kaya nailagay ang Night of the Living Dead sa public domain na maaaring libreng ipamahagi ng sinuman.

Sinabi ni Romero sa The New York Times noong 2016 na dahil dito ay mas maraming tao ang nakapanood sa pelikula, “keeping the film alive.”

Ginastusan ng tinatayang $114,000, kumita ang black-and-white na pelikula ng $30 milyon sa buong mundo, ayon sa Internet movie database site na IMDb.com. Ang Dawn of the Dead ay tumabo ng $55 milyon sa buong mundo, ayon sa website.

Dahil sa commercial success ay nakagawa si Romero ng mga pelikula “on his own terms,” ani Grunwald.

Ang iba pang sequel ay kinabibilangan ng Day of the Dead noong 1985, Land of the Dead noong 2005, Diary of the Dead noong 2007 at Survival of the Dead noong 2009, na pawang idinerihe ni Romero.

Gumawa rin siya ng vampire movie, ang Martin noong 1978, at nakatuwang si Stephen King sa 1982 film na Creepshow, at idinerihe ang The Dark Half, halaw sa nobela ni King, noong 1993.