Ni: Genalyn D. Kabiling
Pinabulaanan ni Pangulong Duterte na nagbiro siya tungkol sa panggagahasa habang nagtatalumpati kamakailan.
Sinabi ng Pangulo na hindi siya nagbiro tungkol sa rape kundi nagbabala na papatayin ang sinumang magtatangka na magsagawa ng naturang krimen.
“Sino nagsabi na rape joke? I was not joking,” sabi ng Pangulo sa oath taking ng bagong itinalagang mga opisyal ng gobyerno sa Malacañang.
Pinayuhan ng Pangulo ang publiko na pakinggan ang kanyang orihinal na speech at ilagay sa wastong konteksto ang kanyang mga komento tungkol sa rape.
Sinabi niya na tinalakay niya ang isyu nang mapag-alaman niya ang kalunus-lunos na panggagahasa sa isang bata sa Bulacan. “Kaya sinabi ko even if you rape a one-year-old or a Miss Universe, just the same you will lose your balls and I will kill you,” sabi niya.
Pinuna ng publiko ang sinasabing pagbati ng Pangulo sa rapist na magsasagawa ng krimen sa Miss Universe winner, kahit alam nitong mamamatay ito kalaunan.
Sinabi ni Duterte ang komento sa isang speech sa Filipino-American tourists sa Davao City nitong Biyernes habang ipinagtatanggol ang kanyang giyera kontra droga.