SA aklat ni Ecclesiastes sa Lumang Tipan ng Bibliya ay nasusulat:
“There is a time for everything, and a season for every activity under the heavens — a time to be born and a time to die, a time to plant and a time to uproot, a time to kill and a time to heal…” Nagpatuloy ito sa paglalahad ng iba’t ibang pagkakataon na pinakamainam na gawin ang ilang bagay — “a time to embrace and a time to refrain from embracing… a time to be silent and a time to speak, a time to love and a time to hate, a time for war and a time for peace.”
Sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulong Duterte, binanggit niya ang plano niyang gawin sa China. Kapapanalo lamang noon ng Pilipinas sa kaso nito sa Permanent Court of Arbitration sa Hague na inihain ng nakalipas na administrasyong Aquino. Ibinasura ng pandaigdigang korte ang nine-dash-line na iginigiit ng China sa halos buong South China Sea, dahil wala umanong pandaigdigang batas na pinagbasehan dito. Kinatigan nito ang karapatan ng Pilipinas na galugarin at gamitin ang mga mineral at iba pang likas yaman na saklaw ng 200-milyang Exclusive Economic Zone (EEZ) nito. Karapatan ng mga mangingisdang Pinoy ang maghango sa mga tradisyunal na pangisdaan gaya ng Scarborough Shoal. Pinagtibay ng korte ang kalayaan sa paglalayag sa nasabing karagatan, na patuloy na ipinaglalaban ng Amerika para sa mga barko at eroplano nito.
Hindi kailanman kinilala ng China ang desisyon ng Permanent Court, dahil taliwas ito sa iginigiit nitong soberanya sa halos 80 porsiyento ng South China Sea. Mismong ang korte ay walang kapangyarihan upang isakatuparan ang mga pasya nito. Wala rin nito ang Pilipinas. Umiiral pa rin ang legal na desisyong ito ng korte subalit maipatutupad lamang kung sumasang-ayon ang mga partidong sangkot sa usapin.
Nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte, nagdeklara siya ng polisiya ng malapit na pakikipag-ugnayan sa China, gayundin sa Russia. Napagwagian na natin ang ating kaso sa Arbitral Court, aniya, ngunit mas mahalaga sa ngayon ang magkaroon ng malapit na ugnayan sa dalawang bansa. Nabanggit niyang sinabi niya kay China President Xi Jinping na naninindigan ang Pilipinas sa naging pasya ng korte. Ngunit naninindigan din sa pagtutol dito ang pinunong Chinese, ayon kay Duterte.
Walang digmaang pag-uusapan, ayon kay Pangulong Duterte. May tamang panahon para igiit ng Pilipinas ang pinaninindigan nito, batay sa pasya ng Arbitral Court, “ngunit hindi pa ngayon”. Sa nakalipas na mga linggo, umapela si Supreme Court Justice Antonio Carpio, na bahagi ng grupong legal ng Pilipinas na pinanigan ng Arbitral Court sa kaso noong 2016, kay Pangulong Duterte na aksiyunan ang kaso. “The President cannot simply do nothing or, worse, acquiesce to China’s action, for inaction is the opposite of protecting the Philippine EEZ,” aniya. Nanawagan siya sa gobyerno na maghain ng reklamo sa United Nations kaugnay ng napaulat na pahayag ng China na kapag iginiit ng Pilipinas ang pag-angkin sa mga isla ay sisiklab ang digmaan.
Sa usaping ito ng giyera pumapasok sa isipan ang sinulat ni Ecclesiastes. Nariyan si Justice Carpio at nananawagan sa Pangulo na buong giting na igiit ang pag-angkin ng Pilipinas sa ilang isla sa South China Sea. Sa kabilang banda, sinasabi naman ni Pangulong Duterte, “hindi pa sa ngayon”. Hindi pa ito ang tamang panahon.
Isa itong usapin na marapat na seryosong pagtuunan ng pansin at pagninilay ng ating bansa upang alam natin kung ano ang sasabihin at gagawin kapag dumating na ang panahon na kailangan na nating magpasya.