Ni: JOJO RIÑOZA
TUWING Hunyo 24 ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Juan Bautista at hindi tulad sa ibang bayan na basaan ng tubig ang pagdiriwang, dito ay putik.
Sa tahimik na barangay ng Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija na magsasaka ang karamihan sa mga residente, isang kakaibang pagdiriwang ang ginagawa tuwing pista at ito ay nabansagang “Taong Putik Festival”
Unang nakilala sa tawag na “pagsa-San Juan,” ang mga Katolikong deboto ay maagang nagtutungo sa maputik na kabukiran at doon ay binabalot ang kanilang sarili sa makakapal na putik.
Gamit ang pinagbungkos na tuyong dahon ng saging bilang mga balabal, pinupuno din nila ito ng putik at sabay-sabay na tatahakin ang kalsada patungo sa simbahan ng St. John the Baptist.
Ang ganitong tradisyon ay minana pa nila sa matatandang residente noong panahon ng pananakop ng mga Hapones at pinaniniwalaan na isang milagro.
Ayon sa mga nakasaksi noong panahon giyera, tinipon ng mga sundalong Hapones ang isang grupo ng kalalakihan sa Bibiclat at sila ay hinatulan ng parusang kamatayan.
Gayong tirik na tirik ang araw sa katanghaliang tapat, habang nakatutok na mga mga ripleng kikitil sa kanilang buhay ay biglang bumuhos ang napakalakas na ulan.
Para mga opisyal ng mga Hapon na sumasamba sa araw, iyon ay isang masamang pangitain. At dahil doon ay naligtas ang buhay ng mga kalalakihan ng Bibiclat.
Para sa mga deboto, iyon ay isang himala ni San Juan Bautista para sa kanilang bayan.
Magmula noon, ang ‘Pagsa-San Juan’ ay naging tradisyon na nila at naging pamoso sa katawagang Taong-Putik Festival.
[gallery ids="254900,254901,254902,254904,254905,254906,254907,254908,254909,254910,254911,254912,254913,254914"]