IDINEKLARA ng Department of Health na walang cholera outbreak sa Iligan City sa Lanao del Norte kahit mayroong siyam na kinumpirmang kaso ng cholera sa siyudad noong nakaraang buwan.
Inihayag ni Department of Health Secretary Paulyn Ubial na walang naitalang may cholera sa isinagawang disease surveillance data sa lungsod.
“After careful review of the data, neither Region 10 nor the City of Iligan has declared a cholera outbreak in their respective areas,” ani Ubial.
Ayon kay Ubial, mula Mayo 26 hanggang Hunyo 28 ay mayroong siyam na kumpirmadong kaso ng cholera na naitala sa evacuees sa lungsod mula sa Marawi City sa Lanao del Sur.
Ang mga pasyente ay nasa siyam na buwang gulang hanggang anim na taon at isang 62-anyos na babae.
“They manifested symptoms such as diarrhea, vomiting, and/or abdominal pain before testing positive for Vibrio cholerae Ogawa, the cholera-causing bacteria. However, these confirmed cases came from different evacuation centers and barangay,” pahayag ni Ubial.
Mula sa siyam, apat o 44 na porsiyento ang naiulat na mula sa mga evacuation center, habang ang iba ay evacuees na nakikituloy sa mga bahay mula sa iba’t ibang barangay.
Nanawagan siya sa mga lokal na awtoridad na maging alerto sa posibleng kaso ng pagkakaroon ng naturang sakit.
“Authorities must remain vigilant against any possible disease outbreak in the area,” ani Ubial.
Inatasan rin niya ang mga health responder na magbahay-bahay, katuwang ang mga opisyal ng barangay at komunidad, at ng lokal na pulisya, upang maabot ang publiko at makapagbigay ng nararapat na serbisyong pangkalusugan. - PNA