ni Raymund Antonio

Inaasahan na ng kampo ni Vice President Ma. Leonor "Leni" Robredo na matatagalan pa bago masisimulan ang recount ng mga balota dahil sa ilang isyu na kailangan munang resolbahin ng Supreme Court (SC).

Sinabi ng abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal na ang SC, umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ay nasa “exploratory stage” pa lamang ng electoral protest ni dating senador Ferdinand Marcos Jr.

“Ibig sabihin, pinag-aaralan ng tribunal kung paano hahakutin iyong balotang iyan. Saan ilalagay, sino ang shipping company, sino iyong magdadala, sino iyong military personnel na dapat kunin natin,” aniya sa panayam sa radyo.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Bukod dito, ayon kay Macalintal, kailangan ding resolbahin muna ng PET ang integridad ng automated election system.

Ang unang bahagi ng protesta ni Marcos ay tungkol sa automated election system. Sinabi niya na dinaya ang AES sa vote counting machines na sinuplay ng Smartmatic.

Ayon kay Macalintal, nagkasundo ang magkabilang panig na reresolbahin muna ng SC ang isyu sa AES, ngunit maaaring magtatagal ito at makakaantala sa pagsisimula ng recount ng mga balota.

“Matagal po kasi ang unang [isyu] pag-uusapan, mayroon bang integridad at kredibilidad iyong automated election system, iyong mga SD cards na iyan, iyong mga vote-counting machines na iyan. So iisa-isahin iyan,” aniya.

Inihayag ito ni Macalintal upang pasinungalingan ang mga alegasyon ng kampo ni Marcos na sinasadya nilang pabagalin ang proseso.

“Hindi po kami nangde-delay. Kaya matagal po iyan kasi sa dami ng protesta ni Mr. Marcos. Isipin mo 25 provinces at sa five highly urbanized cities, ay tatlumpu’t siyam na libo [clustered precincts],” aniya.

Naghain si Marcos ng election protest laban kay Robredo sa alegasyong nandaya ito sa nakaraang vice presidential race. Hinihiling niya na muling bilangin ang mga boto sa 39,221 clustered precincts.

Sinabi ng abogado ni Marcos na si Atty. George Garcia na umaasa silang masisimulan ang recount ng mga balota sa Setyembre, matapos magsagawa ang SC ng preliminary conference sa election case ni Marcos nitong nakaraang linggo.