SINGAPORE -- Hindi maawat ang Pinoy swimmers sa 9th ASEAN Schools Games dito.

Muling sinandigan ng Filipino tankers ang kampanya ng Team Philippines sa nakopong apat na gintong medalya sa ikatlong araw ng kompetisyon sa Singapore Sports School swimming pool.

ASEAN copy copy

Sinundan ng Pinoy ang matikas na ratsada sa pool sa opening day nitong Sabado kung saan komolekta sila ng dalawang ginto, sa kahanga-hangang ratsada para maiangat ang kabig sa anim na ginto sa taunang torneo para sa mga estudyanteng atleta.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Muli, nanguna sa birada sina Maurice Sacho Ilustre at Filipino-British Bhay Maitland Newberry.

Nakopo ng 17-anyos na si Ilustre, pambato ng De La Salle Zobel sa Muntinlupa City, ang boys 100 meters freestyle 100m butterfly.

Nailista ni Ilustre, secondary division’s most valuable player (MVP) sa 2017 Palarong Pambansa, ang tyempong 55.97 segundo para gapiin sina Singaporean Rhys Jun Kai NG (56.36) at Indonesian Damanik Alexander (56.41).

Sinundan niya ito ng panalo sa boys 200m freestyle event sa tyempong 1:53.21 kontra kina Ahmad Fathoni Erick ng Indonesia (1:56.13) at Tsien Ee Tan (1:56.29) ng Malaysia.

“Sobrang saya po talaga. Iba talaga ang feeling kapag pinapatugtug ang ating national anthem during victory ceremony,” pahayag ni Ilustre.

Iginiit niya na malaking tulong sa kanyang naging tagumpay sa pool ang walang pahingang pagsuporta ng kanyang ama na si Bong.

Kabilang si Iluster sa grupo ng mga batang atleta na sinanay sa US sa pangangasiwa ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Sports Institute (PSI).

“Thankful po ako kay Philippine Swimming Inc. secretary-general Lani Velasco and PSC-PSI for the opportunity to train abroad,” sambit ni Ilustre.

Hindi rin nagpadaig si Newberry na humakot ng ikalawang ginto sa girls 100m backstroke event.

Sa kanyang unang sabak sa ASEAN tilt, hataw si Newberry, 14, sa tyempong 1:05.42 kontra kina Indonesian tankers Novita Lestari Dewi (1:06.67) at Kemala Fathihia Sofie (1:07.02).

“It feels good especially that I get to inspire other athletes to train hard,” aniya.

Nakamit naman ni Jerard Dominic Jacinto ang ikaapat na ginto sa produktibong kampanya ng Pinoy nang pagwagihan ang boys 100m backstroke sa tyempong 59.60 segundo kontra kina Setyawan Daniel ng Indonesia at Sridilok Passakorn ng Thailand.

Sa Bishan Stadium, nakamit ni Sylvian Faith C. Abunda ang silver medal sa girls javelin throw sa layong 45.34 meters.