ni Beth Camia

Kinuwestiyon ng mga konsehal sa ikatlong distrito ng Manila City ang pagtataas ng renta sa mga puwesto sa Quinta Market sa Quiapo.

Sa privilege speech ni Councilor Letlet Zarcal, sinabi niya na taliwas sa nakasaad sa kontrata ang singilan ngayon sa nasabing palengke.

Ayon kay Zarcal, nagrereklamo ang mga stall owner na umaabot sa 300% porsiyento ang itinaas ng sinisingil sa kanila kasama na ang VAT.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad aniya sa kontrata na P15 kada square meter lamang ang bayad sa bawat puwesto na may sukat na 4x4, subalit umaabot na sa P67.25 ang sinisingil ng Marketlife, isa sa mga developer ng Quinta Market.

Iginiit ni Zarcal ang dalawang taong moratorium ni Manila Mayor Joseph Estrada, para makaluwag ang stall owners.

“Hindi na ba sinusunod ng Marketlife ang kagustuhan ni Mayor na moratorium sa paniningil?” ani Zarcal.

Punto naman ni Councilor Re Fugoso, aanhin ang isang magandang palengke kung nalulugi naman ang mga tindero sa pagtaas ng singil sa renta, at tiyak na tatamaan din ang mga mamimili.

Sinabi ni Councilor Bernie Ang, na sumang ayon sila sa joint venture agreement upang mabigyan ng maayos na kabuhayan at lugar ang mga vendor at maging kombinyente naman ang mga mamimili.