ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon (Ynares Sports Arena)

3 n.h. -- Gamboa Coffee Mix vs CEU

5 n.h. -- Flying V vs AMA

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

NAKASISIGURO na sa quarterfinals, patatatagin ng undefeated pa ring Flying V ang pangingibabaw sa pagpuntirya ng ikawalong dikit na tagumpay sa pagsalang kontra delikadong AMA Online Education ngayong hapon sa 2017 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nauna nang umusad bilang quarterfinalist ang Thunder matapos makamit ang ikapitong sunod na panalo nang igupo ang Centro Escolar University nitong Martes (Hulyo 11), 91-79 sa pangunguna ni Jeron Teng na tumapos na may 30-puntos.

Umaasa si Flying V coach Eric Altamirano na magpapatuloy ang magandang laro ng koponan sa kabila nang mangilan-gilang sandali nang pagkakalat para masiguro ang sa top two slot sa semifinals.

Naghahabol naman para sa huling quarterfinals berth, sisikaping umangat ng Titans mula sa kasalukuyang pagkakabuhol sa Gamboa Coffee Mix sa ika -9 na posisyon taglay ang barahang 1-6, upang makadikit sa pumapangwalong Marinerong Pilipino na may barahang 2-4.

Gaya ng AMA na nagnanais ding makahirit sa huling quarterfinals berth, tatargetin ng Coffee Lovers ang napakailap na ikalawang panalo sa pagtutuos nila ng CEU sa unang laro.

Matapos ipanalo ang kanilang unang laban, sumadsad ang Gamboa Coffee Mix sa anim na dikit na pagkabigo, pinakahuli sa kamay ng Racal Motors.

Kasalukuyang kasalo ng Batangas sa ikalimang puwesto sa hawak nilang barahang 4-3, nais naman ng Scorpions na makapantay ng Wang's Basketball sa fourth spot para sa tsansang magkamit ng insentibong twice -to-beat sa quarterfinals na ibibigay sa third at fourth sa eliminations.