ni Marivic Awitan
PANGUNGUNAHAN ni Rio Olympics veteran Kirstie Elaine Alora ang national taekwondo team na sasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Malaysia sa susunod na buwan.
Pambato ng bansa ang 27-anyos na si Alora sa -73 kg. division ng Kyorugi event.
Makakasama ni Alora, silver medalist sa -67 kg. division sa 2016 Asian Taekwondo Championships, bronze medalist sa Asian Games sa Incheon, South Korea (2014) at Guangzhou, China (2010) kapwa sa -73 kg. division sina Rhezie Canama Aragon (-53 kg.), Pauline Louise Lopez (-62 kg.), at mga Poomsae team members Jocellyn Ninobla, Juvenille Faye Crisostomo, at Rinna Babanto.
Para naman sa kalalakihan kasama sina Francis Aaron Agojo (-58 kg.), Arven Alcantara (-68 kg.), Morrison Samuel Thomas Harper (-74 kg.), at Poomsae team members Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella, at Rodolfo Reyes Jr.
May kabuuang 16 na gold medals ang nakataya sa taekwondo competition, ng biennial meet na idaraos sa Agosto 26-29 sa Kuala Lumpur.