Ni NORA CALDERON
FIFTEEN minutes tumagal ang dance opening number nina Alden Richards at Maine Mendoza nang ipagdiwang ang kanilang second anniversary as a love team sa Eat Bulaga special nitong Sabado.
Nabuo ang AlDub noong July 16, 2015.
Sa pagbati ng Dabarkads sa dalawa, na kitang-kita ang closeness, kabaligtaran ng sinasabi ng bashers na hindi naman daw sila totoo at kasama pang naba-bash pati ang mga kasama nila sa EB na sina Ruby Rodriguez, Ryan Agoncillo, Allan K, at Patricia Tumulak sa kani-kanilang social media account. Hayun, naglabas na sila ng sagot naman nila sa bashers, na tumigil na sila dahil mali ang mga akusasyon nila.
Ano ang wish nina Alden at Maine sa isa’t isa ngayong two years na nga silang magkasama at may mga projects pa silang gagawin, tulad ng coming movie na isu-shoot nila abroad?
“Sana lagi kang masaya Alden, narito lang ako para sa iyo,” sabi ng dalaga.
“Maine, tulad ng sinabi ko noong concert ko, ako ang alon na kahit saan ito pumunta, babalik at babalik sa iyo,” sabi naman ng binata.
Kinanta ng AlDub ang mga awiting nai-connect sa kanila habang ginagawa nila ang kalyeserye ng EB, with the Broadway Boys, na na-discover din sa pamamagitan ng “Lola’s Playlist” ng kalyeserye. Kinanta nila ang Tanging Ibibigay, Laging Tapat, Goodbye, Dreaming of You, Sa ‘Yo, at magkayakap na bumigay ang dalawa nang kantahin ng Broadway Boys ang God Gave Me You na nagsilbing theme song nila.
Sabay silang nagpahid ng luha. Nang tanungin kung bakit sila umiyak, naramdaman na lang daw nilang tumutulo ang luha nila, dahil parehong bumalik sa alaala nila ang unang pagkikita at pagkikilala nila at sa kabila ng maraming pagsubok na pinagdaanan, after two years ay magkasama pa rin sila.
Sa kabila raw ng mga negative comments sa kanila, nanatili silang matibay at walang pagsubok na inuurungan. Parehong kaligayahan ang nararamdaman nila at grateful sila sa lahat ng blessings na dumarating sa kanila.
Ipinakita rin nila ang sampung AlDub libraries na naipatayo nila sa buong bansa, na nagawa sa pagtutulungan ng mga AlDub Nation simula noong “Tamang Panahon” (October 24, 2015) at patuloy pa rin silang magpapatayo ng mga library sa iba’t ibang lugar. Nagsimula na rin silang magbigay ng AlDub scholarship.
Naging special ang presentation ng second anniversary ng AlDub sa pagdalo ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines mula sa Marawi sa Mindanao na pansamantalang namamahinga sa laban, kaya ang iba sa kanila ay may mga benda pa. Binigyan sila nina Alden at Maine ng 38th anniversary t-shirts ng EB, sila ang unang nakatanggap nito.
Ipinakita rin na sila ang special guest sa lunch pagkatapos ng EB. Maging ang fans na pumuno sa BW mula sa loob hanggang sa labas ay may free lunch after the show. Tiyak na nabigyan din sila ng share nila sa napakaraming cakes na ibinigay ng iba’t ibang fan clubs nina Alden at Maine.
From us, congratulations, Alden and Maine!