Ni ROBERT R. REQUINTINA

PITONG pelikula ang magtutunggali sa kauna-unahang Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Film Festival.

Gawa ng mga estudyante mula sa Metro Manila, ang pitong pelikulang maglalaban-laban ay ang Banyuhay, Batak Bata, High Na Si Lola, Toktok Hangyo, Tanpos, Kutob,”at Sais Bente Tres.

Ang ideya ay mula kay Chief Superintendent Gilberto DC Cruz, director ng Police Relations Community Group, tumanggap ang mga paaralan ng P50,000 mula sa PNP upang makapagprodyus ng pelikula na tatalakay sa kampanya laban sa bawal na gamot.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Ang mga paaralang ito ay ang Polytechnic University of the Philippines, St. Scholastica College at Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Technology.

“Let us all support the anti-illegal drugs campaign of the Philippine National Police through a film festival which reveals the work of our youth in a movement towards change,” pahayag ni Cruz sa harap ng mga hurado sa final screening ng pitong entry sa police headquartes.

Ginanap sa Camp Crame ang final screening ng pitong pelikula nitong Biyernes. Ani Cruz, ang mga mananalo sa iba’t ibang kategorya ay malalaman sa awards night sa Hulyo 18.

Maglalaban-laban ang pitong pelikula para sa Best Picture, Best Actress, Best Actor, Best Supporting Actress, Best Supporting Actor, Best Screenplay, Best Editing, Best Sound, Best Cinematography, Best Musical Score, Best Director, at Best Adviser.

Ang tatlong top awards para sa Best Picture ay tatanggap ng cash prizes sa awards night.

Inaasahang dadalo ang award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza sa awards night.

“Idol ng mga kabataan si Brillante Mendoza. Our young filmmakers are so excited when they learned that he is joining us,” saad ni Cruz.

Ayon pa sa kanya, nang kausapin niya ang batikang direktor, nais umano nitong tulungan ang mga mananalo upang makipagkumpetensiya sa mga festival sa ibang bansa.

Ang mga beteranong artista na nakibahagi sa festival movies ay gagawaran ng Advocacy award sa finals. Sila ay sina Ernie Garcia, Liz Alindogan at Perla Bautista

Nasa cast ng Batak Bata si Ernie at sina Perla at Liza naman ay bahagi ng High Na Si Lola.

Inimbitahan ding dumalo sa seremonya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Patuloy po nating suportahan ang ating gobyerno at ang PNP kontra illegal drugs,” pahayag ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang mensahe.

Ani Cruz, na siyang sumulat ng 2008 Metro Manila Film Festival entry na Banal, inaasahang maisasagawa ng PNP ang naturang film festival taun-taon. “We need to remind our youth na walang panalo sa droga.”

Ang unang PNP Anti-Illegal Drugs Film Festival ay suportado rin ng UNTV at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.