Ni DIANARA T. ALEGRE
BUMIDA na naman ang Pilipinas nang kilalanin ang likas na ganda ng ating bansa sa isang artikulo ng National Geographic, isang informative channel na kilala sa buong mundo.
Isa ang Pilipinas sa sampung bansang inilarawan sa artikulong “10 Places That Deserve More Travelers” na isinulat ni Tara Isabella Burton, manunulat ng National Geographic Travel.
Sa paglalarawan sa Pilipinas, kasama niyang inilahad ang terorismong nagaganap sa bansa, kabilang ang madugong giyera ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, ngunit, aniya, mas ligtas pa rin ang bansa kumpara sa ibang mga bansa.
“The Philippines remains no less safe for travelers than many other destinations worldwide, and the country–so economically reliant on tourist trade–needs visitors,” ani Burton.
Sa lahat ng magagandang tourist spot sa bansa, ang dalawang-libong-taong rice terraces sa Banaue ang pinakabida sa artikulo ni Burton. Inilarawan niyang “stunning” at “violently blindingly, green” ang naturang tanawin.
Hindi rin nagpahuli ang paglalarawan niya sa “ice-white” beaches sa bansa na popular sa buong mundo.
Kabilang sa “10 Places That Deserve More Travelers” ng National Geographic ang Pilipinas, Lesotho, Egypt, Mongolia, Turkey, Guyana, Haiti, Arctic Alaska, Kyrgyzstan, at Moldova.