NAGTIPUN-TIPON ang 20 pinakamayayamang bansa sa mundo sa Hamburg, Germany, sa unang bahagi ng buwang ito at tinalakay ang apat na pangunahing usapin na may kinalaman sa kanilang agenda—ang climate change, North Korea, kalakalan, at krisis ng mga migrante.
Nasa agenda ng G20 summit ang climate change dahil itiniwalag ni United States President Donald Trump ang Amerika mula sa kasunduan sa Paris, kung saan nangako ang mga bansa na magkakaloob ng kani-kanilang ambag upang maibsan ang polusyong dulot ng mga industriya, dahil ito ang pangunahing dahilan ng pag-iinit ng mundo na tumutunaw sa polar ice at nagpapataas sa tubig ng karagatan at nagdudulot ng mas matitinding bagyo.
Nasa agenda rin ang North Korea sa malaking problemang dulot nito sa Amerika, makaraang ilang beses na magsagawa ng missile test ang North Korean leader na si Kim Jong Un na puntirya, aniya, ang sentro ng Amerika. Isa ring pangunahing usapin ang kalakalan, dahil natamo ng mga bansang G20 ang kasalukuyan nilang antas ng kaunlaran sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan ng mga produktong gawa nila. Sa isyu naman ng migrant crisis, isa itong suliraning labis na ikinababahala ng mga bansa sa Europe dahil sa rehiyon tumatakbo ang milyun-milyong refugee na tumatakas sa digmaan at kahirapan sa Gitnang Silangan at Africa.
Sa pulong na ito ng mga bansang G20, nagpaabot ng mensahe si Pope Francis alinsunod sa tradisyong sinimulan ni Pope Benedict XVI, na lumiham sa G20 nang magpulong ang mga ito sa London noong 2009. Kinikilala ng mensahe ni Pope Francis ang dambuhalang kahalagahan ng mayayaman at makakapangyarihang bansa ng G20 sa pagtiyak na mananatiling matatag ang pandaigdigang ekonomiya, partikular sa aspeto ng merkadong pinansiyal, kalakalan, problema sa gastusin, at pandaigdigang kaunlarang pang-ekonomiya.
Subalit binigyang-diin ni Pope Francis na mahalagang maunawaan ng pinakamauunlad na bansa na ang kanilang mga pagpupursige ay nauugnay sa pangangailangang masolusyunan ang mga nangyayaring kaguluhan sa bansa sa ngayon. “In the minds and hearts of government leaders, and at every phase of the enactment of political measures,” anang Santo Papa, “there is a need to give absolute priority to the poor, refugees, the suffering, evacuees, and the excluded, without distinction of nation, race, religion, and culture, and to reject armed conflict.”
Muli ring nagsalita si Pope Francis tungkol sa usapin ng mga migrante at refugees, na ilang beses na niyang ipinanawagan sa maraming pagkakataon. Ang refugees na ito, aniya, ay bahagi ng mayorya — nasa 90 porsiyento — ng sangkatauhan na pinakanagdurusa sa masamang epekto ng krisis pang-ekonomiya, gayundin sa mga alitang pulitikal na nauuwi sa karahasan at mga pagkamatay.
Ang buong mundo — hindi lamang ang mga bansang G20 — ang kinakailangang paalalahanan ng pagdurusa ng maraming tao sa mundo sa kasalukuyan, mga biktima ng kawalang sigla ng ekonomiya, ng persekusyon, ng karahasan, at ng kaguluhan.
Nauunawaan ni Pope Francis ang pangangailangang paulit-ulit siyang manawagan para sa refugees at sa iba pang nagdurusang tao sa mundo. Ipinananalangin natin na mas marami pa sa atin, partikular na ang mga pinuno ng mga bansa, ang makaunawa sa kahalagahan ng kanyang hinahangad — isang maginhawang mundo at mas maayos na buhay para sa pinakamahihirap at kapus-palad sa mundo — at matulungan natin ang bawat isa na masumpungan ang katotohanang nito.