Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Bilang na ang mga araw para sa libu-libong bahagi ng transport network vehicles (TNVs) na bumibiyahe nang walang prangkisa dahil magsisimula nang manghuli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga colorum na sasakyan simula sa Hulyo 26.

Pagkatapos ng show-cause hearing nitong Hulyo 11, inatasan ng LTFRB ang transport network companies (TNCs) na Grab Philippines at Uber Systems, Inc. na itigil ang operasyon ng lahat ng TNVs ng mga ito na walang certificate of public convenience (CPCs) at provisional authority (PAs).

Ang order ay magiging epektibo simula sa Hulyo 26, 15 araw pagkaraang matanggap ng app-based ride-sharing companies ang kani-kaniyang kopya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, LTFRB member at spokesperson, bukod pa ito sa P5-milyon multa na ipinataw nila sa TNCs dahil sa paglabag sa ilang terms and conditions ng kanilang accreditation sa ilalim ng Memorandum Circular 2015-016.

“What we are telling them this time is to clean (their) data list, that only with those with PAs and CPC can operate.

It does not mean that, ‘You paid P5 million, your colorums can go’,” sabi niya sa interview ng Balita nitong Biyernes. “Only those with CPCs and PAs can book rides.”

Inamin ng mga opisyal ng Grab at Uber sa hearing sa LTFRB nitong Martes na in-activate nila sa kanilang system ang 56,000 TNVS, sa kabila ng suspensiyon ng issuance ng mga bagong prangkisa sa TNVs.

Sinabi ni Lizada na tanging ang mahigit 3,700 TNVs ang otorisado ng LTFRB para bumiyahe sa ilalim ng dalawang TNC platforms hangga’t hindi pa naisasaayos ang mga isyu sa kanilang violations.

Hindi pa nakakabayad ang Grab at Uber ng kanilang mga multa. Sinabihan din silang magsumite ng updated lists ng lahat ng kanilang aktibong operators noong Hunyo 30.

Ang mahuhuling kolorum na TNVs operators ay mahaharap sa multang P120,000, sabi ni Lizada. Ang kanilang mga sasakyan ay mai-impound din sa loob ng tatlong buwan.

Hindi pa nagbibigay ng komento ang Grab at Uber tungkol sa order na ito.