Ni: Bert de Guzman

BINATIKOS ng dalawang miyembro ng legal team ng Pilipinas sa arbitration case sa West Philippine Sea (WPS) laban sa China, ang Duterte administration dahil sa tila pagbalewala sa tagumpay ng Pilipinas sa kasong inihain sa Permanent Court of Arbitration (PCA). Tahasang sinabi nina Supreme Court Senior Associate Justice Antono Carpio at ex-Solicitor General Florin Hilbay ang malambot at matamlay na patakaran (policy) ng DU30 administration sa panalo ng Pilipinas tungkol sa claims ng ating bansa sa WPS. “I was aghast that the President used the term ‘setting aside’ (the PCA award),” pahayag ni Carpio noong Miyerkules.

Si Carpio ay isa sa mga speaker sa forum na inorganisa ng ADR Institute na pinangunahan ni ex-DFA Sec. Albert del Rosario sa unang anibersaryo ng tagumpay ng ‘Pinas sa PCA sa The Hague. “Nilaglag ng Pilipinas (ng Pangulo) ang bola,” dagdag ni Carpio na ang ibig sabihin ay nasa ating panig ang desisyon ng PCA, pero ayaw kumilos ni Mano Digong. Labis ang hirap at pagsisikap ni Sec. Del Rosario para ipanalo ang kaso ng Pilipinas.

Binanggit ni Carpio ang “malambot” na paninindigan ni Pres. Rody upang pigilan ang reklamasyon ng dambuhalang China sa WPS o South China Sea (SCS), partikular sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal). Lagi kasing ikinakatwiran ni Mano Digong na walang kakayahan ang Pilipinas sakaling igiit ang pag-angkin sa Panatag Shoal na ikinagalit ng China at magbanta ng digmaan sa sisiw na bansa. Bigla siyang nagiging tameme basta nagbanta ang China ng digmaan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maging si ex-Rep. Roilo Golez ng Parañaque City, dating National Security Adviser, ay nagtataka sa reaksiyon ng Pangulo hinggil sa WPS-SCS issue dahil hindi naman makikipagdigmaan ang ating bansa sa dragong China sakaling maghain tayo ng protesta laban dito. Ang nais lang nina Carpio, Hilbay at Golez ay kumibo, kumilos at magprotesta ang ‘Pinas sa patuloy na reklamasyon ng dambuhala sa WPS gayong pinagbabawalan sila ng PCA. “Hindi komo maghahain tayo ng protesta sa ginagawa ng China ay gusto nating makipagdigmaan sa kanila,” sabi ni Golez.

Dismayado si Hilbay sa parang “foot-dragging” o pag-uulik-ulik ng DU30 administration sa patuloy na pagtatayo ng mga balangkas (structures) at reklamasyon sa Panatag Shoal. “The current administration seems to have adopted a policy of defeatism and a mindset of non-enforcement of the award,” bulalas ni Hilbay. Takot daw kasi si PRRD na maubos lang ang kawal at pulis kapag nagalit ang China.

Dagdag pa ni Hilbay: “Ang unang anibersaryo ng tribunal’s award ay minarkahan ng pagkadismaya ng mga Pinoy matapos tayong manalo sa The Hague.” Para raw sa taumbayan, hindi kumikilos ang administrasyon upang maangkin ng Pilipinas ang teritoryo natin sa WPS-SCS kahit pabor sa atin ang kapasiyahan ng PCA.

Basta sinabi ng hari, hindi mababali. Ito ay kasabihang parang angkop kay Pres. Rody. Sinabi niya na dapat nang ibalik (reinstate) si Supt. Marvin Marcos, akusado sa pagpatay kay Albuera Mayor Espinosa, matapos alisin ang kanyang suspensiyon nang ibaba ng DoJ ang kasong murder laban sa kanya at kasamang mga pulis upang maging homicide na lang.

Walang magagawa si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa kundi ibalik sa puwesto si Marcos. ‘Di ba sinabi noon ni PRRD na walang makukulong na pulis basta tinutupad nila ang tungkulin laban sa illegal drugs?

Nais ni Pres. Rody na tapusin na ng military at police ang Marawi City siege sa loob ng 10 hanggang 15 araw.

Humihingi siya ng ganitong mga araw upang ganap na mapuksa ang teroristang Maute-IS Group. Well, kung talagang hindi mababali ang salita ni Haring Duterte, este Pres. Rody, dapat na sa loob ng 10-15 araw, pulbos na ang Maute Group at ang bandidong Abu Sayyaf Group ni Isnilon Hapilon, ang Emir ng IS sa Mindanao. Ano ang masasbi mo rito, Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr., AFP spokesman?