Ni: Fer Taboy
Patay ang isang lalaki na hinihinalang carnapper habang nasugatan naman ang kasamahan niyang babae makaraang mahulog sa tulay ang pick-up truck na sinasabing ninakaw ng mga ito sa paghabol ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) sa Barangay Bitoon sa Iloilo City, kahapon.
Ayon sa ulat ng Iloilo City Police Office (ICPO), nasawi si Angelico Ferrer, driver ng Mitsubishi Strada, habang nasugatan naman ang kasamahan nitong si Mary Joy Garcia, kapwa taga-Molo, Iloilo City.
Sinabi ni Senior Insp. Jaime Cadoy, ng HPG, na naghinala sila sa pick-up nang mamataan nila ito sa La Paz dahil improvised ang plaka nito, pero inihinto ni Ferrer ang sasakyan.
Nagkahabulan hanggang sa barilin ng mga awtoridad ang gulong ng pick-up, na nagpagewang-gewang hanggang mahulog sa tulay sa hangganan ng mga barangay ng Bitoon at Balabago sa Jaro.
Ayon sa HPG, nakaw ang pick-up na pag-aari ni Pane Presno at nakarehistro sa Makati City, habang ang plaka naman ay sa isang Toyota Corolla.