Ni: PNA
ZAMBOANGA CITY – Dinukot ng mga armado, na pinaniniwalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), ang anim na construction worker na Zamboangueño sa Jolo, Sulu, kahapon ng madaling araw.
Nangyari ang insidente bandang 2:00 ng umaga sa Martirez Street sa Jolo, ayon sa pulisya at sa salaysay ng mga kaanak ng mga biktima.
Ngunit isa sa anim na obrero, na kinilalang si Larry Velasquez, ang nagawang makatakas bagamat nabaril siya sa binti.
Nabihag naman ng mga bandido sina Edmundo Ramos, 37; Jayson Baylosis; Joker Adanza; Jun Guerrero; at isang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Kuwento sa Philippine News Agency (PNA) ng mga kaanak ng mga obrero na sina Amy Guerrero at Dayang Ramos, humingi ang Abu Sayyaf ng P1-milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa bawat isa sa mga bihag.
Ayon kina Amy at Dayang, ipinarating sa kanila ang ransom demand nang tumawag sa kanilang cell phone ang isang lalaki na nagpakilalang miyembro ng ASG.
Ang mga bandidong suspek sa pagdukot ay miyembro ng grupong Ajang-Ajang na pinangungunahan ng ASG sub-leader na si Ben Saudi.
Ayon sa report, dinukot ng mga bandido ang mga obrero na noon ay natutulog sa ikalawang palapag ng ginagawang gusali, dahil wala sa lugar ang project engineer—na siyang puntirya ng ASG—nang sumalakay ang mga ito.
Kuwento pa ng kaanak ng mga obrero, tatlong buwan nang nagtatrabaho sa Jolo ang kanilang mga kaanak, dahil mas malaki umano ang pasuweldo roon kaysa sa Zamboanga City.