Ni: Mary Ann Santiago

Nilinaw kahapon ng Department of Health (DoH) na sa Hulyo 23 pa magiging epektibo ang nationwide smoking ban, taliwas sa naglabasang ulat na magiging epektibo na ito ngayong Sabado, Hulyo 15.

Ang paglilinaw ay ginawa kahapon ni Health Assistant Secretary Eric Tayag matapos maglabasan ang ulat na magiging epektibo na ang nationwide smoking ban ngayong araw.

Ayon kay Tayag, kung ang pagbabasehan ay ang Mayo 16, nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang kautusan, magiging epektibo na ito ng Hulyo 15.

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Gayunman, alinsunod, aniya, sa Executive Order ay magiging epektibo ito 60 araw matapos ang pagkakalathala nito sa isang pahayagan.

“Nang chineck namin ito, na-publish sa Manila Bulletin noong May 23. ‘Pag nagkaganoon, sa isang Linggo pa (Hulyo 23), ii-implement, pero puwede na silang mag-practice,” ani Tayag.

Maglalabas rin, aniya, sila ng paglilinaw hinggil sa naturang isyu.

Alinsunod sa Executive Order 26, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar tulad ng mga paaralan, pagamutan, klinika, food preparation areas, at mga lugar na fire hazard.