Ni: Clemen Bautista
ANG bawat bayan sa mga lalawigan ng Pilipinas ay may mga livelihood project. Inilulunsad para sa kapakanan ng mga mamamayan, tulad ng mga magsasaka at mangingisda, upang kahit paano ay maiangat ang antas ng pamumuhay. Sa Rizal, ang mga proyektong pangkabuhayan ay suportado ng pamahalaang panlalawigan at ng mga lokal na pamahalaan. Mababanggit na halimbawa ang “ONE TOWN, ONE PRODUCT” o OTOP project. Sa OTOP, nakikilala ang bawat bayan.
Ang Cainta ay kilala sa suman, latik at bibingka. Ang bayan sa Taytay ay kilala naman sa pananahi, ready to wear (RTW) at woodworks o sash factory. Ang mga produkto ay dinadala at ibinibenta sa Divisoria, Pasig at Greenhills at mga palengke. Ang iba ay ini-export sa ibang bansa.
Kilala naman ang Morong, Rizal sa atsarang kangkong at halayang ube. Habang ang Angono ay kilala naman sa mga fried itik. Ang Pililla, kilala naman sa matamis na pinya na marami ring by-products mula sa mga inaning pinya na ang pinakamalaking plantation ay nasa Barangay Bugarin.
Ang Jalajala ang huling bayan sa Silangang bahagi ng Rizal na nasa pagitan ng Laguna de Bay at ng bundok. Tahimik, malinis at isang agricultural town. Masisipag din ang mga mamamayan; may mga nagtatrabaho sa ibang bansa, sa mga karatig bayan at maging sa Metro Manila. Matapat at matibay ang pagpapahalaga sa kanilang mga tradisyon at kultura.
Dahil sa pagiging malinis at tahimik na bayan, kinilala ang Jalajala bilang “Paraiso ng Rizal”. Tulad ng ibang bayan sa Rizal, mayroon ding OTOP ang Jalajala.
Ang OTOP ng Jalajala ay mga dairy product na gawa sa gatas ng kalabaw; tulad ng kesong puti, yogurt, milk-ogel, chocomilk, yema at pastilas. Ang nasabing mga produkto ay ipinagbibili sa mga tindahan, mga palengke sa mga karatig bayan at maging sa Metro Manila. May mga negosyante rin na humahango at bumibili ng mga produkto ng dairy processing plant.
Ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang milk processing plant noong una ay kitchen type na ipinagawa ni dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. sa 200 square meter na lupa sa Sitio Llano, Bgy. Bayugo. Ang pagtatayo ng milk processing plant ay tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga magsasaka ng Bgy. Bayugo na may multi-purpose cooperative. Ang pinagtayuan ng processing plant ay bahagi ng 9,700 metro kuwadrado na pag-aari ng kooperatiba ng mga magsasaka sa Bgy. Bayugo.
Nang manungkulan si Mayor Ely Pillas noong 2004, sinuportahan niya ang milk processing plant. Natuwa ang pamunuan at ang mga miyembrong magsasaka ng kooperatiba nang makakuha ng grant si Mayor Pillas sa National Economic Development Authority (NEDA) na P3.565 milyon upang palakihin ang OTOP ng Jalajala. Ang nasabing grant ng NEDA ay may counterpart na P800,000. Ang kabuuang halaga ng proyekto ay P4.365 milyon. Makalipas ang isang taon, naitayo ang bagong gusali ng milk processing plant ng OTOP ng Jalajala. At palibhasa ay patuloy ang suporta ng Jalajala, sa pangunguna ni Mayor Pillas, kinilala ang Jalajala bilang “Best OTOP Implementor”. Ang pagkilala sa OTOP ng Jalajala ay mula sa Deparment of Trade and Industry (DTI), Rizal.
Ayon kay Mayor Pillas, sinusuportahan niya at ng pamahalaang bayan ang OTOP ng Jalajala sapagkat hanapbuhay ito ng kanyang mga kababayang magsasaka. Sa ngayon, automated na ang paggawa ng dairy product at nakasusunod na sa pamantayan na itinakda ng pamahalaan. Matapat namang nagpaabot ng pasasalamat ang mga magsasaka sa Bgy. Bayugo sa tulong at suporta ng kanilang mayor.