KUNG sakaling palawigin ni Pangulong Duterte sa susunod na limang taon ang batas militar sa Pilipinas, gaya ng iminungkahi ng ilang mambabatas, mangangahulugan itong hindi nagawang pigilan ng gobyerno ang rebelyon sa bansa.
Kinatigan ng Korte Suprema ang nasabing proklamasyon dahil ang pagsalakay ng Maute sa Marawi City ay itinuturing na rebelyon nang may ayuda mula sa mga banyagang terorista na nauugnay sa Islamic State. Ang proklamasyon ay para sa 60-araw lamang, alinsunod sa Konstitusyon, at magtatapos ito sa Hulyo 22. Sa inisyatiba ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso ang deklarasyon ng batas militar sa panahong Kongreso ang magtatakda “if the invasion or rebellion shall persist and public safety requires it.”
Nagpapatuloy ang bakbakan sa Marawi City hanggang ngayon, habang sinisikap ng mga miyembro ng Maute na manatili sa kanilang posisyon sa tatlong barangay sa Marawi City. Mistulang nagpasya na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa diretsahan at malawakang pag-atake kontra sa mga terorista upang maiwasan ang pagkamatay ng mga sibilyan, lalo na at handang mamatay ang mga mandirigma ng Islamic State. Ngunit naniniwala ang AFP na hindi magtatagal at maitataboy na ang mga miyembro ng Maute mula sa kanilang puwesto.
Sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na isusumite na ng militar ang mga rekomendasyon nito kay Pangulong Duterte kaugnay ng posibilidad na palawigin ang martial law, ngunit ang palawigin ito sa susunod na limang taon “may be too long.” Hindi niya inaasahang tatagal nang ganun ang rebelyon. Siyempre pa, mangangahulugan ito na walang kakayahan ang AFP na pigilan ang grupo ng Maute.
Aniya, hindi niya alam ang basehan ni Speaker Pantaleon Alvarez sa pagmumungkahing palawigin nang limang taon ang batas militar, o hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Magiging isang desisyong pulitikal ito, aniya.
Mistulang may political agenda ang mga pinuno ng Kongreso na iba sa realidad ng militar at ng sitwasyong pangseguridad sa Mindanao.
May ikalawang konsiderasyon na uusbong sakaling tuluyang palawigin nang limang taon ang martial law. Mangangahulugan itong hindi maipatutupad ang mga plano ng Pangulo sa Mindanao, partikular na ang usapang pangkapayapaan sa mga leader ng Bangsamoro para sa isang rehiyong may awtonomiya, sa ilalim ng gobyernong federal, kapag naamyendahan na ang Konstitusyon. Hindi maisasakatuparan ang mga planong gaya nito kung umiiral ang batas militar.
Kakailanganin ding iisantabi ang mga plano para sa pagpapasigla ng ekonomiya sa rehiyon. Hindi maeengganyong bumisita ang mga turista; siguradong hindi sila masisiyahan. Hindi rin siyempre susugalan ng mga mamumuhunan ang mga proyekto sa ilalim ng hindi normal na sitwasyong dulot ng martial law. Ang lahat ng regular na proseso ng pamahalaan ay mababahiran ng pangangasiwang militar.
Sa lahat ng mga dahilang ito, hindi natin nakikita ang limang-taong pag-iral ng batas militar sa Mindanao o sa alinmang bahagi ng bansa. Isang malaking problema na sa bansa ang pagsalakay ng Maute at sinisikap na itong resolbahin ng AFP at ng gobyerno.
Mahusay na naisasakatuparan ni Pangulong Duterte ang kanyang programa ng pagbabago para sa bansa, partikular na ang malawakang programang imprastruktura na inilahad niya sa bansa, kabilang ang isang railroad system sa buong Mindanao.
Ipatutupad niya ito, kasabay ng iba pa niyang programa sa bansa, at hindi na niya kakailanganin ng batas militar upang maisakatuparan ang mga ito.