ISA pang achievement ng longest running noontime show na Eat Bulaga ang ipagdiwang ngayong Hulyo, ang kanilang ika-38 anibersaryo sa show business.

Simula nang umentra ang programa halos apat na dekada na ang nakararaan, patuloy pa rin ito sa adhikain na maghatid ng “isang libo’t isang tuwa” sa milyun-milyong Pilipino sa pamamagitan ng masasaya at nakakaaliw na segments at song and dance numbers.

TITO VIC & JOEY copy copy

Naging kasalo rin ng mga manonood ang show tuwing tanghalian.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Ang Eat Bulaga ay naging extension na ng ating mga tahanan,” sabi ni Joey de Leon, isa sa mga haligi ng programa kasama sina Tito at Vic Sotto.

Ang Tito, Vic & Joey na kilala rin bilang TVJ ay unang nilapitan ni Television and Production Exponents Incorporated (TAPE) big boss Antonio Tuviera noong 1979 para pangunahan ang bagong show na ipangtatapat sa noo’y nangungunang Student Canteen.

Dahil sa galing sa komedya at napukaw na interes ng manonood, nagawang higitan ng TVJ ang popularidad ng kanilang tinapatan at kalaunan ay naging number one na daily noontime show.

“Credit goes to the think-tanks of the show, the writers, the staff, and of course our producer, Mr. Tuviera. Nu’ng kami ay nagsisimula, akala ko bagong programa lang. Hindi ko naisip na aabot kami sa ganito,” sabi naman ni Vic.

Sa pagdaan ng mga taon, nakapaglungsad ang Eat Bulaga ng mahigit 300 segments tulad na kinabibilangan ng “Little Miss Philippines,” “That’s My Boy,” “Super Sireyna,” “Laban O Bawi,” “Taktak Mo o Takbo,” “Pinoy Henyo,” “Juan for All, All for Juan” at ang “Kalyeserye”.

“Nakakatuwa na makita ang mga segments na ito mula sa simula hanggang sa mga naitulong nito sa mga manonood. Isang kakaibang experience ang maging parte ng programa tulad ng Eat Bulaga na tumutulong at nagpapaligaya sa sambayanan,” wika ni Ryan Agoncillo, isa sa regular hosts ng programa.

Dagdag pa ni Ryan, naging daan ang Eat Bulaga sa mga artistang katulad niya upang makaugnayan ang mas maraming Pilipino.

“Para kang bahagi na ng kanilang kusina, ng kanilang mga sala at ng araw-araw nilang pamumuhay. Mararamdaman mo ‘yung espesyal na koneksiyon sa manonood. Ito ay kasayahan para sa lahat, hindi ito namimili or nagdi-discriminate.”

Ayon kay Vic, itinuturing nila ang lahat bilang bahagi ng isang pamilya.

“We make sure that they feel comfortable, we make them feel that this is a family and this is not just work. I think that’s one recipe on the success of the show.”

Para naman kay Ruby Rodriguez, na 26 na taon nang bahagi ng Eat Bulaga, ang pakikipagtrabaho sa mas nakababatang hosts ang nagbibigay ng bagong panlasa sa segments ng programa. Ang pagkakaroon ng hosts tulad nina Ryzza Mae Dizon, Baeby Baste, Alden Richards at Maine Mendoza ang magbibigay-daan upang maipagpatuloy ang naumpisahan nina Tito, Vic at Joey.

“We are evolving. Even our seniors, we keep up with the times. Natututo kami ng millennial language na ibang-iba sa aming henerasyon. It updates you and it keeps you young. Isa ito sa mga rason kaya namin hinahasa ang mga batang hosts – para mas maitindihan nila at isapuso ang programa.”

Tinatanaw namang malaking utang na loob sa show nina Alden at Maine, na mas kilala bilang Aldub, ang kinalalagyan ng kanilang showbiz career ngayon. Sabi ni Maine, hindi matatawaran ang suporta at pagmamahal na natatanggap nila mula sa produksiyon at co-hosts.

“Hindi lang katrabaho ‘yung turing nila sa iyo kundi parang pamilya talaga. Parang hindi trabaho kasi masaya at komportable ka sa mga taong kasama mo,” saad ni Maine. “’Pag naging parte ka ng show, para kang nasa isang pamilya.”

Umaasa si Alden na magiging parte sila ni Maine ng Eat Bulaga family sa loob ng maraming taon.

“Ang maging parte ng longest running noontime show ng Pilipinas ay isang napakalaking biyaya. Hindi kasi lahat nabibigyan ng pagkakataon makatrabaho sila at masuwerte ako dahil I also consider them as my family,” sabi ng binata.

“I hope and pray na mas lalong pang tumagal ang programa at mas marami pang mapasayang tao saan mang sulok ng mundo.”

Nang tanungin kung ano ang sekreto ng programa para tumagal ito ng halos apat na dekada, ang sabi ni Joey, hindi lamang dahil suwerte ang show kundi dahil na rin sa patuloy na reinvention nila at pagkonek sa mga manonood.

Ayon kay Joey, ang Eat Bulaga ay nasa puso na ng bawat Pilipino dahil na rin sa patuloy na suporta ng loyal Dabarkads.

“We’ve been through seven presidents and counting. We’ve been to three different networks (RPN 9, ABS-CBN at GMA-7), dapat kasali lagi ang audience. Hindi namin ilalayo ang sarili namin. Dapat connected kami sa masses… sa viewers.

Kailangan one of them ka, kailangan maabot ka,” aniya.

Sani ni Vic, hindi niya namalayan na umeere at nagbibigay-saya sila sa telebisyon sa loob na ng 38 taon. Hindi nila naramdaman na nagtatrabaho sila dahil na rin sa ligayang dala ng Eat Bulaga.

Pero hindi rin sila maaaring makampante, sabi pa ni Vic, kahit institusyon na sila sa telebisyon. Marami pang puwedeng gawin ang show para patuloy na magbigay ligaya at tumulong sa mga mamamayang Pilipino.

“Ang programa ay nagpapasaya ng tao, it entertains them. There’s always room for improvement. Nakakatuwa din na makita ang mga natulungan at matutulungan pa ng Eat Bulaga. Sabi nga ni Tito Sen, ‘It’s a public service show in the guise of entertainment’.”

Ngayong Hulyo, asahan ang masaya at kuwelang anniversary month ng Eat Bulaga tampok ang bagong segments -- ang pagtatampok sa naggagandahang Pilipina at ang mga must-see destinations sa ating bansa. Maki-celebrate din sa second anniversary ng AlDub at ang pinakaaabangang reunion ng Kalyeserye.

Ang lahat ng ito ay mapapanood simula Lunes hanggang Sabado sa Eat Bulaga sa GMA-7.