Ni: Fer Taboy
Sugatan ang dalawang bata makaraang sumabog ang isang bomba sa Maguindanao.
Kasabay nito, inalerto ng pulisya ang buong puwersa nito makaraan ang pagsabog sa isang bahay sa Crossing Talitay sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao, bandang 7:15 ng gabi.
Sa natanggap na report ni Senior Supt. Agustin Tello, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO) pinasabugan ng bala ng M79 grenade launcher ang isang bahay sa lugar, at dalawang bata ang nasugatan.
Isinugod sa Maguindanao Medical Center ang dalawang paslit, na ligtas na ngayon sa kapahamakan.
Ayon kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division, away-pamilya ang dahilan sa pagsabog.