Ni: Francis T. Wakefield

Dinampot ng mga pulis at sundalo ang isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at kanyang tauhan sa operasyon sa Tawi-Tawi nitong Huwebes.

Inaresto si Omar Harun, alyas “Halipa”, Abu Sayyaf sub-leader, ng mga operatiba ng Joint Task Force Tawi-Tawi, sa pangunguna ni Lt. Col. Luis Tamondong ng Marine Battalion Landing Team-8, at ng Tawi-Tawi Police Provincial Office sa Barangay Poblacion sa bayan ng Taganak, bandang 6:25 ng umaga.

Sa hiwalay na operasyon, nadakip naman ang isa pang bandido na si Ara Samindi sa Lagaan island sa Taganak, nang araw ding iyon.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Batay sa record, sina Samindi at Harun ay kapwa malapit sa mga sub-leader ng ASG na sina Alden Bagadi, alyas “Sayning”; Majan Sahijuan, alyas “Apo Mike”; at ang yumaong sina Abraham Hamid at Alhabsy Misaya.

Kapwa sangkot ang dalawa sa iba’t ibang insidente ng seajacking, kabilang ang pag-atake sa Vietnam-Flag vessel na MV Giang Hai sa Pearl Bank, Tawi-tawi, noong Pebrero 19, 2017, kung saan tinangay nila ang anim na tripulanteng Vietnamese at pinatay naman sa barko ang isa pa.